208 total views
Ang 2021 ay isang taong hindi natin malilimutan. Marami itong leksyon iniwan para sa atin. Karamihan sa mga leksyong ito ay masakit, ngunit may iilan na napakasarap balikan muli. Isa sa mga ito ay ang panandaliang kalinisan ng hangin na ating nalasap nuong panahon ng malawakang lockdown.
Ayon sa mga eksperto, bumagsak ang global greenhouse gas emissions nuong 2020 ng mga 2.4 bilyong tonelada, bunsod ng mga COVID 19 restrictions. Bumagsak din ang transportation activity sa US ng 12%, sa European Union ng 11%, sa India ng 9%, at sa China ng 1.7% Nuong kahitikan nga mga mga lockdowns noong Abril, bumaba ng17% ang daily carbon emissions ng mundo.
Sa pagbaba ng emisyon, nakita nating lahat ang ganda ng langit at ang kalinisan ng hangin. Nakita ang mga kabundukan ng Luzon mula sa mga condominiums sa NCR. Mas maraming ibon ang nagliparan sa paligid. Mas luntian ang kapaligiran at mas presko ang hangin. Pero ang lahat ng ito ay parang panaginip lamang. Matapos ang mga lockdowns, unti-unti nang bumabalik sa mataas na lebel ang global emissions.
Ngayon, upang mapabilis ang pag-unlad ng ekonomiya, dumarami na ulit ang mga kalakaran at bentahan sa iba-ibang merkado. Tila, ang new normal ng buong mundo ay para sa mga health protocols lamang. Balik ulit sa dating gawi ang lahat pagdating sa mga gawaing may kaugnayan sa emisyon. Para sa marami, tila ang dami ng usok sa paligid ay katumbas din ng pera para sa bulsa ng marami.
Huwag sana sayangin ng global na komunidad ang bentaheng dulot ng panandaliang pagbaba ng ating mga emisyon. Ang paglinaw at paglinis ng hangin sa mundo ay simbolo ng unti-unting paghilom ng ating planeta. Kaya lamang, ang paghilom na ito ay panandalian lamang pala, dahil matapos ang mga lockdowns, tumaas na rin ulit ang mga emisyon. Hindi natin nakikita na ang proteksyon sa kalikasan ay proteksyon din sa ating kalusugan.
Kapanalig, pinapa-alala sa atin ng Laudato Si, bahagi ng Catholic Social Teachings, na sabay na nasisira ang kalikasan at ang tao. Sabi rin nito, ang usaping kalikasan ay tumutukoy hindi lamang sa ating kapaligiran, kundi sa ugnayan ng kalikasan at ng lipunang nakatira rito. Hindi tunay ang pag-usad ng global community mula sa pandemya kung hindi natin aatupagin hindi lamang ang ekonomiya, kundi pati ang ating kalikasan. Sana, sabay sa paglatag ng mga programang pambakuna, mailatag rin ang mga kongretong pagkilos para sa kabutihan ng ating kalikasan.
Sumainyo ang Katotohanan.