1,009 total views
Hindi ba’t kay hirap, kapanalig, na mawalan ng tubig sa ating mga tahanan? Kapag nangyayari ito, umaalingawngaw ang hiyaw ng marami para sa batayang pangangailangan na ito. Dito sa National Capital Region, minsan minsan na lamang nangyayari ito. Pero, kapanalig, sa maraming lugar sa ating bayan, pati na rin sa buong Asya, ang tubig ay laging kulang.
Sa Asya, kapanalig, tinatayang 1.5 bilyong katao sa mga rural areas, at mga 600 million naman sa urban areas ang nakakaranas ng kulang na suplay ng tubig at sanitasyon, ayon sa Asian Development Bank. Sa ating bansa naman, ayon sa World Health Organization (WHO), isa sa sampung tao ay walang access sa maayos na water sources.
Malaking suliranin ito, dahil ang tubig ay isa sa pangunahing panlaban natin sa anumang sakit. Kung nakalimutan na natin, kapanalig, diarrhea pa rin ang isa sa mga pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa, lalo na sa mga bata. Ayon sa WHO, 139,000 tao ang namatay dahil sa diarrhea nuong 2016. Ito ay sakit na maaring maiwasan kung may sapat na suplay ng malinis na tubig ang kabahayan.
Ngayong may pandemya, ang problema sa tubig ay maaring magpapalala pa ng ating kasalukuyang nararanasan ngayon. Ang paghuhugas ng kamay ay isa sa mga pangunahing depensa natin sa pandemya. Kung walang tubig o kulang ito, paano na?
Maraming magagawa ang ating lipunan at pamahalaan upang masiguro na may tubig para sa lahat. Ang isa sa maaring maging pinaka-mabisa dito ay kung gagawing isa sa sentrong salik ng rural development ang suplay ng tubig at sanitasyon. Hindi magiging epektibo ang anumang rural poverty alleviation kung isasantabi ang kahalagahan ng water supply at sanitasyon.
Isa pang paraan upang matugunan ang kakulangan sa water supply at sanitasyon ay ang paghahanda ng mga imprastraktura para sa tubig at sanitasyon, lalo na ang mga uri na disaster resilient. Sanay ang bansa natin na gumawa ng mga kalye at tulay, pero madalang tayong gumawa ng mga imprastraktura para sa tubig at sanitasyon na makakayanan ang epekto ng mga sakuna.
Ilan lamang ito, kapanalig, sa maaring magawa ng ating lipunan at estado upang matiyak ang suplay ng tubig para sa lahat. Kailangan natin matugunan ang uhaw ng mamamayan para sa malinis na tubig. Sa nangyayari kasi sa ating bansa, ang uhaw para sa pera at kapangyarihan ang nauuna. Ayon nga sa Evangelii Gaudium, ang ganitong uri ng uhaw ay “unlimited.” Nasasapawan nito ang pangangailangan ng lahat, at sinasantabi ang mga lehitimong pangangailangan ng mga mamamayan.