372 total views
Sa ating pagdurusa, nanatiling kapiling ng bawat isa si Hesus na siyang gagabay tungo sa kaligtasan.
Ito ang mensahe ni Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo sa mga deboto sa misang ginanap sa Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church sa pagdiriwang ng pista ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno.
“Si Hesus ang ating kaligtasan. Hindi natin tinatanggihan, we do not deny the sufferings that are with us, but put Jesus there. Ilagay si Hesus, at matatransform iyong ating kahirapan ay naging paraan ng ating kaligtasan. Tulad na ngayon, dahil sa pandemic, hindi na natin magawa ang traditional nating gawain. Pero mas lumapit ang mga tao kay Hesus,” ayon kay Bishop Pabillo.
Bahagi din ng homiliya ni Bishop Pabillo ang pagtiyak sa bawat mananampalataya na bagama’t marami ang hindi makakadalo sa pagdiriwang ay patuloy na nakikiisa ang Panginoon sa ating mga pagdurusa lalu na sa kasalukuyang panahon ng krisis dahil sa pandemic novel coronavirus.
“Pero si Hesus, He is assuring us. Nandito parin siya. Iba na ngayon ang pahayag nating paglapit sa Kanya. Hindi na sa Traslacion, ngunit ang paglapit sa kanya sa pamamagitan nitong ginagawa natin. And in a way, iyon ay isang paraan din na pinapakita sa atin ng Panginoon. Makalalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang salita,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Tema ng Traslacion 2021 ang “Huwag Kang Matakot, si Hesus ito” na bagama’t walang naganap na prusisyon ay ipinagdiwang naman ng buong bansa sa pamamagitan ng localized Traslacion.
Ito ay sa pamamagitan ng pagdiriwang ng novena masses at sa araw ng pista gayundin ang pagbisita ng imahe ng Poong Nazareno sa mga parokya sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Bago pa man ang pandemya, bukod sa simbahan ng Quiapo may 14 pang na parokya sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang taunang nagsasagawa ng prusisyon.
Sa mga nagdaang traslacion, inaabot ng higit sa 20-oras ang prusisyon mula sa Quirino grandstand hanggang sa pagbalik sa simbahan ng Quiapo kung saan tinatayang may 20-milyon katao ang nakikiisa sa pagdiriwang ng pista.