558 total views
Ipagdiriwang ng Parokya ng San Juan Nepomuceno sa bayan ng Alfonso sa Cavite ang ika-160 Canonical Possession o taong pagkakatatag nito bilang parokya.
Gugunitain ito sa ika-20 ng Enero, 2021 sa pamamagitan ng sama-samang pagdarasal ng Santo Rosario sa ganap na alas-7 y media ng umaga.
Susundan ito ng pagdiriwang ng banal na misa sa ganap na alas-5 ng hapon na pangungunahan ni Rev. Fr. Ariel delos Reyes.
Pagkatapos ng banal na misa, ganap na alas-6 ng gabi ay isasagawa naman ang prusisyon sa orihinal at matandang imahen ng San Juan Nepomuceno de Alfonso.
Itinatag ang parokya ng San Juan Nepomuceno noong ika-20 ng Enero, 1861, dalawang taon makaraang itatag ang bayan ng Alfonso na dati lamang pueblo ng bayan ng Indang sa Cavite.
Tuwing ika-16 ng Mayo naman ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Juan Nepomuceno, ang patron ng pangungumpisal.
Ang Parokya ng San Juan Nepomuceno sa Alfonso, Cavite ay sakop ng Diocese ng Imus.