613 total views
Naniniwala si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na higit pa ang paglago ng debosyon sa Poong Hesus Nazareno.
Ito ay bunsod na rin ng ipinatupad na localized Traslacion na ginanap hindi lamang sa mga parokya ng Maynila kundi maging sa iba’t ibang parokya sa buong bansa at maiwasan ang mas malaking pagtitipon dahil sa panganib na dulot ng Covid-19.
“Ito siguro ang paraan para lumawak ang debosyon sa Poong Nazareno Kasi noon parang naka-focus lang siya Quiapo ngayon po ay natikman na ng iba ang debosyong ito. Sa palagay ko mula noon ay lalawak pa ang debosyong ito,” ayon kay Bishop Broderick Pabillo.
Una na ring ipinatupad ang pagdiriwang sa mga lokal na parokya at pagbisita ng imahe ng Nazareno sa iba’t ibang lugar at karatig lalawigan upang maiwasan ang pagdami ng mga debotong dadayo pa sa simbahan ng Quiapo.
Ikinatutuwa rin ng obispo na sa kabila ng hindi pagsasagawa ng prusisyon ay mas nabigyan ng pagpapahalaga ang banal na misa na siyang pangunahing pinuntahan ng mga deboto.
“Mas nabigyan diin ang banal na misa kaya yung mga tao ay pumunta sa Quiapo para magsimba hindi na ‘yung prusisyon lang, kundi pagsimba.
Ayon naman kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church ang pagdiriwang ng pista ay naganap hindi lamang sa buong bansa kundi maging sa Filipino community sa ibang bansa.
Sa United Kingdom, United Arab Emirates at Canada ay ikalawang taon ng isinagawa ang prusisyon habang sa unang pagkakataon ay ipinagdiwang din ito ng mga Filipino sa Vienna, Austria at Australia.
Sa Pilipinas, bukod sa Quiapo may 14 pang mga lalawigan sa bansa ang taunang nagsasagawa ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno.