381 total views
Itinuturing na biyaya ni Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) Co-Executive Secretary Rev. Fr. Angelito Cortez, OFM ang pagkakatalaga sa kanya bilang bagong Vice Director ng Order of Friars Minor o Franciscans Justice, Peace, and Integrity of Creation (JPIC) Office sa Roma.
Ayon sa pari muling naipamalas ng Panginoon sa kanyang buhay ang surpresang pagpapala na sa kabila ng kanyang mga kakulangan ay patuloy ang tiwala ng Diyos sa kanyang kakayahan bilang tapat na lingkod ng Simbahan.
Ayon kay Fr. Cortez, isa rin ito sa higit na nagpakulay sa kanyang buhay pananampalataya at paglilingkod bago magtapos ang taong 2020 na nagdulot na maraming mga pagsubok sa krisis na idulot ng pandemya.
“Ang puso ko ay nag-uumapaw sa pasasalamat sa Diyos sa lahat ng biyaya na aking tinangap ng buong taong 2020 kahit na kabi-kabila ang pagsubok at mga sakuna, hindi ko inaakala na magtatapos ito sa panibagong pamamaraan ng paglilingkod. Ang Diyos may mga bagay na nakikita sa atin na hindi natin nakikita kaya mapapatahimik na lang tayo at magtatanong karapatdapat ba ako?” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Cortez, OFM sa panayam sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ng Pari ang pagsusumikap na magampanan ang kanyang bagong tungkuling hindi lamang para sa kongregasyon kundi para sa buong Simbahang Katolika.
Ayon kay Fr. Cortez, buo ang kayang tiwala sa paggabay ng Panginoon upang mapagtagumpayan ang mga hamon na hatid ng kanyang bagong posisyon at paraan ng paglilingkod sa Simbahan at sa Panginoon.
Itinuturing naman na inspirasyon ng Pari ang pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa kanyang malalim na pananampalataya na nakapagbibigay buhay sa kabila ng pagkawalay at pagkalayo sa pamilya tulad ng maraming mga misyunero na ibinahagi sa Mabuting Balita ng Diyos sa iba’t ibang bansa.
“I am humbled with this assignment but I will try my best to be the best that I can be for the church and for my congregation. Nakakintal dito sa puso ko ang lahat ng makulay na karanasan kasama ng lahat ng mga kapanalig na nagpapaalala na totoong buhay ang Diyos at hindi nya tayo pinababayaan,” dagdag pa ni Fr. Cortez.
Ibinahagi rin ni Fr. Cortez na dahil sa patuloy na banta COVID-19 pandemic ay pansamantala muna niyang tutupdin ang kanyang mga bagong tungkulin sa tanggapan sa Roma sa pamamagitan ng pansamantalang “work from the country” kung saan mananatili pa rin siya bilang Co-Executive Secretary AMRSP.
Bukod sa pagsisilbi bilang Co-Executive Secretary at National JPIC Coordinator ng AMRSP, si Fr. Cortez din ang kasalukuyang Chairperson ng Franciscan Solidarity Movement for Justice, Peace and Integrity of Creation at aktibo rin sa usapin ng Ecology, Laudato Si at Climate Change advocacy bilang pinuno ng Ecological Justice Interfaith Movement and Fellowship for the Care for Creation Association.