402 total views
Naging maikli at simple ang paggunita sa unang taon ng pagsabog ng bulkang taal na nakaapekto sa mamamayan lalung-lalo na sa lalawigan ng Batangas.
Pinangunahan ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera ang banal na misa at sinariwa ang mga alaala ng mga naglingkod at nagpaabot ng tulong sa mga higit na naapektuhan ng pagligalig ng bulkang taal.
Sa pagninilay ni Archbishop Garcera, pinasalamatan niya ang mga tumulong at naglaan ng panahon upang magpaabot ng suporta sa mga higit na nangangailangan.
Hinimok naman ng Arsobispo ang bawat isa na maglingkod ng may mabuting hangarin, walang halong pag-iimbot, pagiging mababa ang loob at magkaroon ng tiwala sa biyaya at pagmamahal ng Panginoon.
Dagdag pa niya na dahil sa pagtitiwala ng Panginoon ay nagkaroon din ng tiwala ang libu-libong pamilya at indibidwal na kanilang natulungan na nagpalakas naman ng kanilang kalooban at hangarin upang lalo pang tumulong sa mga nangangailangan.
Nagpaabot din ng mensahe si Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) Director Rev. Fr. Jayson Siapco at kinilala ang ipinakitang pagmamalasakit at katatagan ng mga nakatuwang ng komisyon sa pagtulong sa mga kababayang Batangueño.
Hinimok naman ng pari ang bawat isa na patuloy na ugaliin ang pagmamalasakit sa kapwa kahit na ano pang hamon at sakuna ang dumating sa hinaharap.
Batay sa tala, aabot sa 400-libong pamilya na naapektuhan ng pagligalig ng bulkang Taal ang natulungan ng Arkidiyosesis sa pamamagitan ng LASAC. Ika-12 ng Enero, 2020 nang nagsimula ang phreatic eruption o ang pagbuga ng abo ng Bulkang Taal.
Sa tala ng Philvolcs, tinatayang aabot ng 100-metro ang taas ng ibinugang abo ng bulkan na umabot sa mga karatig na lugar tulad ng Cavite, Laguna, Metro Manila at Bulacan.