211 total views
Ikinatuwa ng Mindanao Bishop ang naging pahayag ni Budget Secreatry Benjamin Diokno na hindi lamang mga sundalo, pulis at ibang uniformed personnel ang makakatikim ng dagdag na sahod sa taong 2017 kundi maging mga sibilyan na kawani ng gobyerno.
Ayon kay Prelatura ng Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad, mahalagang bigyang umento sa sahod ang mga unipormeng hanay ng pamahalaan upang mawala na ng tuluyan ang korapsyon na umiiral sa kanilang samahan.
Iminungkahi rin ng Obispo na mas dagdagan ang sahod ng mga guro at nurses na silang nagbibigay ng kanilang tapat na serbisyo sa mamamayan.
“Maganda yun para wala ng corruption sa military and then they will really be absorbed and committed and loyal in enforcing the laws. For me it’s a welcome development and sana mabigyan din ng pansin ang mga teachers, at mga nurses at lahat ng mga government employees,” bahagi ng pahayag ni Bishop Jumoad sa panayam ng Veritas Patrol.
Inihayag ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio sa pagdinig ng 2017 proposed national budget sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na umaasa ang nasa 1.4 na milyon government workers sa umento sa sahod lalo na sa ipinasang Salary Standardization Law na bigong ipatupad ng nakaraang administrasyon.
Magugunitang hinamon ni Pope Francis ang mga kinatawan ng pamahalaan sa United Nations na laging kilalanin ang dignidad ng manggagawa na mas nakahihigit kaysa kita o salapi.