415 total views
Duda ang isa sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitution na tanging economic provisions lamang ang aamyendahan ng mga mambabatas sa muling pagsusulong ng Charter Change.
Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., isa sa 1987 Constitutional framers, bukod sa hindi napapanahon ang muling pagsusulong na maamyendahan ang Saligang Batas sa gitna ng COVID-19 pandemic ay hindi dapat basta magtiwala sa mga mambabatas.
Ipinaliwanag ng Obispo na mahirap pagkatiwalaan ang mga pangako ng mga mambabatas maging ang mismong mga pabago-bagong pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Iginiit ni Bishop Bacani na dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 ay mas higit na lantad ang mamamayan upang mapagsamantalahan lalo sa mga usaping political.
“Ang malaking issue ay Trust. Mahirap magtiwala na economic provisions lang ang tatalakayin. Mahirap pagtiwalaan ang mga congressmen at si Pres. Digong (President Rodrigo Roa Duterte). At di napapanahon. Bukod sa pandemic at dahil sa pandemic madaling pagsamantalahin ang mga mamamayan.” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Nasasaad sa Resolution of both Houses No. 2 na inihain ni House Speaker Lord Allan Velasco, ang hangad na maamyendahan ang ilang mga economic provisions sa kasalukuyang 1987 Constitusyon.
Partikular na tinukoy ng mambabatas ang pagkakaroon ng constitutional amendments sa ilang economic provisions na naglilimita sa mga dayuhang pamumuhanan upang matugunan ang epekto ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga nais na amyendahan ng mga mambabatas ay ang 40-porsyentong cap sa dayuhang pagmamay-ari ng mga operasyon sa negosyo at ang pagkakaroon ng total ban sa pakikibahagi ng mga dayuhan sa media industry.