243 total views
Nagpapasalamat ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Pastoral Care for Migrant and Itinerant People sa pinansiyal na tulong na ipinagkaloob ni Saudi Arabia King Salaman Bin Abdulaziz Al Saud sa 11,000 Overseas Filipino Workers o OFWs na stranded at nawalan ng trabaho sa nasabing bansa.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, kinikilala nito ang pagmamalasakit at pagpapahalaga na ginawa ng Saudi upang matulungan ang mga stranded na migranteng Pinoy.
“Ito ay maganda at mabuting kilos ng pamahalaan ng Saudi Arabia at tayo ay kumikilala na may pagpapasalamat, pagpapahalaga sa kanilang ginawa. At nakikita natin ang kanilang pagtulong ang kanilang pagdamay at ang kanilang malaking pagpapahalaga sa mga Pilipino na gumagawa doon sila ngayon ay tumutulong. Nakita natin dito ang kanilang pagmamalasakit at tayo ay nagpapasalamat din sa kanila,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Nakapaloob sa financial aid ay para sa pabahay, pagkain, sanitary at health services kasama na rin ang plane ticket ng mga OFWs pauwi ng Pilipinas.
Nauna na ring pinapurihan ni Bishop Santos ang masigasig na hakbangin na ginagawa ng Department of Labor and Employment upang masiguro ang kaligtasan ng mga OFWs sa Saudi.