450 total views
Walang naitalang sira sa mga imprastraktura kasunod ng naganap na 7.1 magnitude earthquake sa Davao Occidental nitong Enero 21, 2021 ng gabi.
Ayon kay Diocese of Marbel Social Action Director Fr. Jerome Milan, bagamat malakas ang lindol ay ligtas naman sila at wala namang naitalang pinsala sa mga imprastraktura sa Diocese.
Iniulat naman ni Tandag Bishop Raul Dael na wala ring naitalang pinsala sa Diocese at ligtas din sila sa banta ng panganib.
Nagpaabot naman ng panalangin ang Obispo para sa kaligtasan ng lahat sa iba’t-ibang sakunang maaaring maranasan.
Batay sa PHIVOLCS, sa ngayon ay naitala na ang 15 aftershocks at asahan pa ang mga susunod na pagyanig.
Ang epicenter ng lindol na may lalim na 111 kilometro sa bayan ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental.
Naramdaman ang Intensity V sa General Santos City, habang Intensity IV sa Davao City at Intensity II naman sa Bislig City at Surigao del Sur.
Oktubre nang taong 2019 ng yanigin ng magkakasunod na malalakas na lindol ang rehiyon ng Mindanao na nagdulot ng malawak na pinsala sa mga Diyosesis ng Kidapawan, Marbel at Digos.