417 total views
Hinikayat ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mananampalataya na makiiisa sa isasagawang online Bible Festival na magsisimula bukas hanggang sa araw ng Lunes, January 24-26.
Ayon sa obispo ang mga online activities kabilang ang Bible Conference ay maaring masubaybayan mula sa Facebook page ng CBCP-Episcopal Commission on Biblical Apostolate at Philippine Bible Society (PBS) na magsisimula tuwing ika-dalawa ng hapon.
Layunin ng programa ang higit pang pagbibigay ng halaga ng mga Filipino sa Salita ng Diyos at pagdarasal.
Hinihimok din ni Bishop Pabillo ang lahat ng kristiyano na gamitin ang social media para sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.
“Maraming mga activities ang gagawin online ng Catholic at Protestante at sana hinihikayat po ang lahat na mag-share something about the bible during the time para po maramdaman ng mga tao ang kahalagahan ng bible. So, anybody na makapagbukas ng ng kanilang facebook, Instagram may makikita siya na something about the bible. Kaya we ask everybody to participate,” ayon kay Bishop Pabillo.
Paliwanag pa ng obispo, kilala ang Pilipinas sa pagbibigay ng halaga sa bibliya kung saan ginaganap tuwing ikatlong linggo ng Enero ang National Bible Sunday simula 1982-hindi lamang ng mga Katoliko kundi maging ng mga Protestante.
Una na ring idineklara ng Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 ang buwan ng Enero bilang Bible Nonth at ang Bible Day na idineklara naman ng Kongreso taong 2018.