520 total views
Ito ang paninindigan ni Jaybee Garganera, National Coordinator ng grupong Alyansa Tigil Mina kaugnay sa patuloy na pagsasagawa ng pagmimina sa bansa.
Sa pagsusuri ng pamahalaan, ipinagmalaki nito na malaki ang maitutulong ng pagmimina sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa lalo na ngayong nagkaroon ng krisis bunsod ng coronavirus pandemic.
Gayunman, iginiit ni Garganera na ang pagsusuri ng pamahalaan ay walang katotohanan dahil mas mababa pa sa isang porsyento ang nai-aambag ng pagmimina sa Gross Domestic Product ng bansa.
Ipinaliwanag ni Garganera na ang mga kagubatan at karagatan na likas na yaman ng bansa ang nasisira sa operasyon ng pagmimina na lubhang nakakaapekto sa ikinabubuhay ng mamamayan.
Kabilang na rito ang pagsasaka at pangingisda na 16 na porsyento ang naiaambag sa ekonomiya kumpara sa 1-porsyento mula sa pagmimina.
Batay sa Indigenous People’s Rights Act, kailangan muna ng pahintulot at pagsang-ayon ng mga katutubo bago magtayo at magsagawa ng pagmimina sa kanilang lupaing ninuno.
Ibinahagi ni Garganera na marami sa mga katutubong komunidad ang nakararanas ng pananakot at sapilitang pagpapaalis sa kanilang mga lupain upang makapagsagawa ng pagmimina.
Batay sa Laudato Si ni Pope Francis, ikinalulungkot nito ang sapilitang pagpapaalis sa mga katutubo sa kanilang mga lupain upang makapagsagawa ang mga makapangyarihang kumpanya ng pagmimina at abusuhin ang iba pang likas na yaman.
Panawagan naman ng grupo at iba pang makakalikasang organisasyon ang pagsusulong ng bagong batas na magtataguyod at magbabago sa nakasanayang pagsasagawa ng pagmimina sa bansa.
Marso 3, 1995 nang maging batas ang Republic Act 7942 o Philippine Mining Act.
Ayon sa Catholic Social Teaching, bagamat pabor ang Simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangang ang kinikita nito ay nakakamit nang hindi nasasakripisyo o naaapektuhan ang bawat mamamayan partikular na ang kalikasan.