630 total views
Pinaalalahanan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na patuloy ihayag ang katotohanan sa lipunan.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Pontificio Colegio Filipino dapat isabuhay ng mananampalataya ang nasusulat sa ebangelyo ni San Marcos kabanata 16 talata 15 na humayo sa sanlibutan at ipalaganap ang Mabuting Balita sa sangnilikha.
“Always be reminded that we must always speak and say what is true, what is right and what is moral,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas. Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa pagdiriwang ng World Day of Social Communication at paggunita sa kapistahan ni St. Francis de Sales ang patron ng mga mamamahayag.
Iginiit ni Bishop Santos na tanging katotohanan ang mabisang panlaban sa umusbong na kultura ng ‘fake news’ lalu na sa social media na mas higit na malawak ang naabot. “With proliferation of fake news and emergence of trolls, let us resort to truth, search for truth and make it prevail,” ani ng obispo.
Sa pag-aaral ng Statista naitala ang Pilipinas na isa sa mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamaraming gumagamit ng social media sa 67-porsyento habang karaniwang apat na oras kada araw naman ang iginugugol sa para dito.
Umaasa si Bishop Santos na magamit sa mabuting pamamaraan ang social media na makatutulong maipahayag ang mga turo ng Panginoon. “Let us pray that all of us will be responsible, conscientious and sincere communicators to one another,” giit ni Bishop Santos.