518 total views
Umaasa ang pamunuan ng San Pascual Baylón Parish-Diocesan Shrine of Nuestra Señora de la Inmaculada Concepcion de Salambao sa Bulacan na mas higit mapalalim ang pananampalataya ng mga deboto ng Mahal na Ina. Ito ang mensahe ni Fr. Virgilio Ramos, Kura Paroko at rektor ng dambana kaugnay sa deklarasyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na gawing National Shrine of Nuestra Señora De La Inmaculada Concepcion de Salambao ang simbahan.
Saad pa ni Fr. Ramos na nawa’y higit na mapatatag ang pananalig sa Panginoon ng mga deboto lalo na ngayong may naranasang krisis na dulot ng pandemya. “Nawa’y mas lumalim pa ang pananampalataya sa Panginoon ng mga deboto at mas tumingkad pa ang debosyon sa Mahal na Ina,” pahayag ni Fr. Ramos sa Radio Veritas.
Sa ginanap na 121st CBCP Plenary Assembly nitong Enero 26 hanggang 27, ay idineklara ng mga obispo na gawing pambansang dambana ang Obando Church na dinadayo ng mga deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Binigyang diin din ng pari na napakahalaga ng deklarasyon nito lalo’t ipinagdiriwang ng bansa ang 500 Years of Christianity ngayong taon kung saan ito ay paalala rin sa lahat na dapat ibahagi ng binhi ng pananampalataya na inihasik ng mga dayuhang misyonero noong 1521.
“Mas manalig at kumapit sa Panginoon; yung binhi ng pananampalataya na ibinahagi sa atin 500 taon ang nakalilipas ay patuloy nating mapalalim at ibahagi sa kapwa sa pamamagitan ng mga debosyong tulad sa Mahal na Ina ng Inmaculada Concepcion ng Salambao,” ani Fr. Ramos.
Batay sa kasaysayan April 29, 1754 nang maitatag ng mga Franciscanong misyonero ang Obando Church at ipinangalan kay San Pascual Baylon, isang Franciscanong Espanyol na tinaguriang ‘dancing devotee’ ng Mahal na Ina. Noong June 19, 1763 naman nang matagpuan ng mga mangingisda ang imahe ng Nuestra Señora de la Conception sa karagatan ng Obando at Malabon gamit ang ‘salambao’.
Ibinahagi ni Fr. Ramos na sa paglipas ng panahon mas lalong lumawak ang debosyon sa mga patron ng dambana kung saan maraming mga deboto ang nabibiyayaan ng magandang kabuhayan, nabibiyayaan ng sanggol at magandang kalusugan.
Nagpapatuloy pa rin ang ‘Obando fertility dance’ sa tuwing pista ng parokya sa Mayo 17 hanggang 19. Kinilala naman ng pari ang pagdeklarang pambansang dambana sa San Pascual Baylon sa kanyang termino ng pamamahala sapagkat malaki ang ambag nito sa paglago ng kanyang bokasyon bilang pari sa loob ng tatlong dekada.
“Malaking bagay ito para sa aking bokasyon bilang pari sa loob ng tatlong dekada ay nakita ko ang paggabay ng Mahal na Ina, talagang buong pagsisikap at ibinigay ko ang best ko para sa Panginoon at dito sa Shrine kahit dumaan sa matinding pagsubok,” giit ni Fr. Ramos.
Ito na ang ika-apat na National Shrine sa Diyosesis ng Malolos kasama ang National Shrine and Parish of the Divine Mercy (Marilao), National Shrine and Parish of St. Anne (Hagonoy), and National Shrine and Parish of Our Lady of Fatima (Valenzuela). Ang National Shrine of Nuestra Señora de la Inmaculada Concepcion de Salambao ang ika-26 na Pambansang Dambana sa Pilipinas.