476 total views
Tiniyak ng Diocese of Baguio ang pagtalima sa panuntunan ng pamahalaan kasunod ng muling pagsasailalim sa Baguio at Benguet sa General Community Quarantine.
Sa inilabas na circular ni Baguio Bishop Victor Bendico ay nanawagan ang Obispo sa mga mananampalataya, mga pari at mga relihiyoso’t relihiyosa sa diyosesis na na tupdin ang mga alituntunin bilang patuloy na pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 virus.
Ayon sa Obispo, sa gitna ng patuloy na krisis na dulot ng pandemya ay higit na kailangang magkaisa ang lahat para sa kapakanan at kabutihan ng bawat isa.
Nasasaad sa kautusan ni Bishop Bendico ang pansamantalang pagbabawal sa pagdaraos ng mga pagtitipon ng simbahan kabilang na ang mga reccollections, seminars at meeting.
Binigyang diin ng Obispo ang pagsunod ng mga parokya at mga quasi-parishes sa mga ipinatutupad na safety health protocol kabilang na ang pagkakaroon lamang ng limitadong bilang ng mga mananamapalataya sa 30-porsyento ng kapasidad ng mga simbahan, pagsusuot ng facemask, face shield at pagsasagawa ng regular na paglilinis.
Muli ring umapela si Bishop Bendico sa mga kabataan edad 15-taong gulang pababa at mga 65-taong gulang pataas na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan gayundin ang mga nagdadalang tao at may karamdaman upang maiwasang malantad sa sakit.
Pakiusap ng obispo na patuloy na munang makibahagi sa misa sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga livestreaming ng mga Simbahan.
Hinikayat naman ng Obispo ang lahat na patuloy na manalangin at dasalin ang revised Oratio Imperata laban sa COVID-19.
Mula sa umiiral na Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa Baguio City muling ipatutupad ang General Community Quarantine (GCQ) nang makapagtala ang Cordillera Administrative Region ng mataas na bilang ng mga nahawaan ng COVID-19 at ang pagkakatuklas ng UK variant sa Bontoc, Mountain Province, at La Trinidad, Benguet.
Magsisimula ang pagpapatupad ng GCQ sa February 1.
Attached Circular 03-2021: