445 total views
Itinakda ng Kaniyang Kabanalan Francisco ang pagsasagawa ng pagdiriwang ng International Day for Grandparents and the Elderly.
Ito ayon kay Pope Francis ay bilang pagkilala sa malaking ginampanan ng mga nakatatanda sa lipunan at sa simbahan.
Paliwanag ng Santo Papa, sila ang nagpapaalala na ang pagtanda ay isang biyaya at nagsisilbi ring ugnayan sa pagitan ng henerasyon na maiparating ang karanasan ng buhay at pananampalataya.
“Grandparents are often forgotten and we forget this wealth of preserving and passing on the roots. For this reason, I have decided to establish the World Day of Grandparents and the Elderly,” ayon sa pahayag ng Santo Papa na ginanap sa Vatican Apostolic Palace.
Ang World Day for the Grandparents ay ipagdiriwang kada taon tuwing ika-apat na linggo sa buwan ng hulyo na malapit sa petsa ng kapistahan ng Lolo at Lola ni Hesus na sina San Joaquin at Santa Ana.
Ngayong taon, ang pandaigdigang pagdiriwang para mga lolo at lola ay nataon sa ika-25 ng Hulyo.
Inaasahang ding pangungunahan ng Santo Papa ang pagdiriwang ng misa sa Vatican bilang pagbibigay parangal sa mga nakakatanda ayon sa Vatican Dicastery for Laity, Family and Life.