240 total views
Ligtas ang mga Pilipino mula sa 6.2 magnitude na lindol sa Italya.
Dahil dito, ayon kay Department of Foreign Affairs assistant secretary at spokesman Charles Jose labis silang nagpapasalamat bagamat nakikidalamhati rin sa mga kaanak ng mga nasawi sa lindol na pinaka-naapektuhan ang Central Italy kabilang na ang Amatrice.
Kaugnay nito, sinabi ng DFA na patuloy pa rin ang monitoring ng embahada ng Pilipinas sa Roma sa sitwasyon ng mga Pilipino doon sa pamamagitan ng pagpapadala ng team sa mga apektadong lugar upang tingnan ang kalagayan ng ating mga kababayan.
Sakali aniyang kakailanganin ng tulong, handa ang embahada na magbigay ng suporta sa mga Pilipino doon.
“So far wala pong report na may nadamay sa lindol sa Italy sa 170,000 Filipino natin doon lahat ligtas, at ang embassy natin sa Roma patuloy ang monitoring sa sitwasyon ng ating mga kababayan, nagpadala ng team ang ating embassy sa affected areas para tingnan ang ating mga kababayan at mag-extend ng assistance kung kakailanganin po,” pahayag ni Jose sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa datus ng DFA, nasa 170,000 ang mga Pilipino sa Italya.
Inaasahang tataas pa ang bilang ng 159 na kumpirmadong nasawi sa 6.2 magnitude na lindol na tumama sa Central Italy particular na sa Amatrice, Accumoli at Arquata del Tronto.
Mahigit sa 80 ang nasawi sa Amatrice kung saan malaking bahagi ng lugar ang labis na napinsala dahil karamihan ng mga bahay at gusali ay gumuho.
Sa datos mula sa civil protection officials ng Italya, aabot na sa 368 ang naitala nilang sugatan sa lindol.
Matatandaang naganap sa Sicily Italy ang pinakamapaminsalang lindol noong Pebrero ng taong 1169 kung saan umabot sa 25,000 tao ang namatay dahil na rin sa pagkakaroon din ng tsunami.
Sa Pilipinas, patuloy naman ang paghahanda ng Caritas Manila at ang Radyo Veritas ng mga programa kaugnay sa pag-iwas sa kalamidad at agarang pagsaklolo sa mga biktima ng kalamidad gaya ng paglindol at mga bagyo upang hindi maging malaki ang epekto sa mamamayan.