201 total views
Naaangkop na dinggin ng Korte Suprema ang mga petisyon na inihain ng iba’t ibang grupo laban sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ito ang paninindigan ng Commission on Human Rights sa inilabas na 20-araw na “status quo ante order” ng Korte Suprema sa nakatakdang paghihimlay sa dating Pangulo.
Ayon kay CHR chairperson Jose Luis Martin Gascon, sensitibo ang usapin dahil marami ang naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law sa ilalim ng rehimeng Marcos na kailangang ikonsedera.
“Malugod naming tinatanggap itong desisyon ng Korte Suprema na mag-issue muna ng Status Quo Ante habang dinidinig yung iba-ibang mga petisyon patugkol sa usapin ng paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.Ang isyu po ay kung ano yung mensaheng ibinibigay natin kung ililibing siya sa Libingan ng mga Bayani. Meron tayong daan libong human rights victims,”pahayag ni Gascon sa Radio Veritas.
Nabatid sa record na sa ilalim ng Martial Law, mahigit sa 3,200-katao ang sinasabing pinaslang, 34-na-libo ang na-torture habang higit sa 70-libo naman ang ikinulong dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng administrasyong Marcos.
Bukod dito, higit 75-libong indibidwal rin ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t-ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar.
Sa kasalukuyan, nakahimlay sa 103-ektaryang Libingan ng mga Bayani ang may 49-na-libong sundalo, war veterans at mga itinuturing na martir at bayani ng bansa.
Naunang nanindigan si CBCP Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na hindi tamang bigyang parangal at ituring na bayani ang dating Pangulong Marcos dahil sa napakaraming paglabag sa karapatang pantao at pangungurakot sa multi-bilyong pisong pera ng bayan.