331 total views
Mga Kapanalig, ano nga ba ang natutunan natin nang ating naranasan ang hagupit ng mga nagdaang bagyo noong nakaraang taon kung kailan sunud-sunod at kabi-kabilang landslide at mudslide ang nanalasà sa iba’t ibang bahagi ng Luzon? Nakapanlulumo ang sinapit ng mga kababayan natin nang tangayin ng rumaragasang tubig-baha at putik ang kanilang mga bahay at ari-arian. Marami ang stranded sa kanilang mga bubong at nahirapang lumikas. Malinaw na sa tuwing may dumarating na unos, ang mga mahihirap ang pinakanagdurusa at kaawa-awa.
At ang mga komunidad malapit sa mga minahan ang pinakalantad sa mga panganib at sakuna. Ngunit sa isang komprehensibong ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (o PCIJ), lumabas na patuloy pa rin ang operasyon ng 28 minahan sa Benguet matapos itong ipasuspinde at ipasara ng yumaong dating kalihim ng Department of Environment Natural Resources (o DENR) na si Gina Lopez noong 2017. Ipinasara ng yumaong kalihim ang mga minahan matapos lumabas sa isinagawang audit na maraming “serious environmental violations” ang mga malalaking minahan sa Benguet.
Isa ang mining sa mga malalaking industriya sa mga lalawigan na nagbibigay ng trabaho sa mahigit 180,000 manggagawa. Ngunit ayon din sa ulat ng PCIJ, nasa 0.5% lamang ang kontribusyon ng mining industry sa ating ekonomiya noong 2019, at para kay yumaong Secretary Lopez, hindi hihigit ang economic benefits ng pagmimina sa dulot nitong panganib sa kapaligiran. Sinabi rin ng Cordillera People’s Alliance (o CPA), isang koalisyong itinataguyod ang karapatan ng mga katutubo sa rehiyon, na ang isinagawang audit noong 2017 ay bunga ng matagal nang paghihirap ng mga apektadong komunidad dahil sa mapanirang operasyon ng mga minahan. Dagdag pa ng CPA, nananatiling lugmok sa kahirapan ang mga taga-Benguet kahit na mahigit isandaan taon na ang pagmimina sa lalawigan. Kaya sino nga ba talaga ang tunay na nakikinabang sa pagmimina at sino naman ang nagdurusa sa tuwing bumabaha at gumuguho ang kabundukan?
Matagal nang iniuugnay ng mga pamayanan sa gilid ng Abra River ang polusyon ng mga ilog sa mga mining operations na sumisira sa kanilang irigasyon, pangisdaan, at iba pang kabuhayan. At tulad ng trahedya sa Cagayan Valley at Bicol noong nakaraang taon, paniguradong hindi naman ang mga mayayamang may-ari at stockholders ng mga minahang ito ang nagdurusa sa tuwing may sakuna. Hindi sila ang nawawalan ng tirahan at ari-arian. Hindi sila ang namamatay o nawawalan ng mahal sa buhay.
Ngayong mag-iisang taon na ang pandemya ng COVID-19, tila natatakpan nito ang matagal nang krisis na dulot ng pagkasira ng kalikasan. Ngunit hindi dapat gawing dahilan ang pandemya upang isantabi ang isyung pangkalikasan. Nakadidismayang patuloy pa rin ang mga development aggression projects ng gobyerno at ng malalaking kompanya sa ating bansa—mga proyektong hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga maaapektuhang komunidad at ang pagkawala ng kanilang hanapbuhay, kultura, at pagkakakilanlan, sa ngalan ng “kaunlaran” ng iilan. Pinaaalalahanan tayo ng Unang Sulat ni San Pedro 4:10 na gamitin ang mga kaloob ng Diyos para sa ikabubuti ng lahat at maging mabubuting katiwala ng mga ito. Ang sangnilikha ay kaloob sa atin ng Diyos na dapat nating responsableng gamitin at alagaan para sa ikauunlad ng lahat. Maliit na nga ang ambag ng pagmimina sa ating ekonomiya, nagiging sanhi pa ito ng pagpapalayas sa ating mga kababayan sa kanilang tahanan at pagkasira ng kalikasan. Malinaw sa mga panlipunang turo ng Simbahan na tungkulin ng sangkatauhan ang pangangalaga sa kalikasan upang makamtan ang kabutihang panlahat o common good.
Mga Kapanalig, huwag na nating hintaying makapaminsalang muli ang mga minahan sa ating bansa. Huwag nating hayaang pagsamantalahan ng iilan ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos para sa lahat.