243 total views
Tiniyak social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pakikipagtulungan sa pamahalaan sa pagtiyak ng sapat ng suplay ng pagkain sa bansa.
Ayon kay Rev. Fr. Antonio E. Labiao-executive secretary ng Caritas Philippines, kabilang sa mga sustainable agriculture programs na pingangasiwaan ng Simbahang Katolika sa may 50-lalawigan sa buong bansa ang organic farming, fertilizer production, livestock raising at pagtuturo sa mga magsasaka at mangingisda sa pagbuo ng samahan na makapagbibigay suporta sa bawat isa.
Giit ng pari, ang programa ay nakatugon sa pangangailangan ng maraming pamayanan sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic at maaari ring makatulong sa kasalukuyang problema ng bansa sa kakulangan ng suplay ng pagkain.
“These places us in the most strategic position to mobilize our communities to continue working for local food security, as what we have done during our COVID-19 pandemic response,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Labiao.
Paliwanag ng Pari, natutunan ng Caritas Philippines sa may isang dekadang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na magsasaka at mangingisda ay ang pagsasantabi ng middle man.
Giit ni Fr. Labiao, kinakailangan na magkaroon ng direktang ugnayan ang sektor ng agrikultura at merkado upang hindi na mahati ang kita ng mga magsasaka gayundin ay mapanatili ang mababang presyo ng produkto.
“We would like to show the government, especially the Inter-Agency Task Force on Zero Hunger that with effective and inclusive enterprise management, we are able to eliminate middle traders.” Dagdag pa ni Fr. Labiao.
Tiniyak din ng Caritas Philippines sa pakikipagpulong kay Secretary Karlo Nograles na kaisa ang simbahan sa layunin ng pamahalaan na mabigyang tugon ang kagutuman sa Pilipinas o ang zero hunger sa taong 2030.