192 total views
Kapanalig, nitong panahon ng pandemya, ating napatunayan na hindi natin kayang lubos na mapangalagaan ang mga elderly o seniors sa ating paligid. Sa buong mundo, karamihan sa mga binawian ng buhay dahil sa Covid 19 ay nasa kanilang mga hanay.
Ayon nga kay Archbishop Vincenzo Paglia, ang pinuno ng Pontifical Academy for Life sa Vatican, tinatayang mahigit pa sa dalawang milyon at tatlong daang seniors ang namatay dahil sa pandemya. Tinawag niya itong “massacre of the elderly.”
Ang pangangalaga sa ating mga seniors ay isa sa mga gawaing dapat nating unahin ngayong panahon ng pandemya. Umaabot na ng 7.5 million na ang kanilang bilang ngayon sa ating bansa. At base sa isang pag-aaral na ginawa ng Help Age International, may mga seniors na nakaramdam ng diskriminasyon sa ilang mga restriksyon sa panahon ng quarantine. Marami sa kanila ang nakaramdam ng isolation nitong quarantine period. May mga naaresto pa. Marami ang naantala ang suplay ng gamot pati ang mga regular check-ups. Marami rin ang nakaramdam ng sobrang takot at pagkabalisa. Simple lamang na problema marahil ito sa iba, pero sa matatanda, dama nila na ang mga pangyayaring ito ay tila mga banta na sa kanilang buhay.
Kaya nga’t napaka-angkop ng mga kataga mula sa Fratelli Tutti, ang pinaka-huling encyclical mula kay Pope Francis. Ayon dito: “We have seen what happened with the elderly in certain places in our world as a result of the coronavirus. They did not have to die that way. Yet something similar had long been occurring during heat waves and in other situations: older people found themselves cruelly abandoned.”
Kapanalig, kailangan nating repasuhin at suriin ang ating mga paraan at mga hakbang ukol sa mga elderly sa ating bansa. Isa ngang halimbawa, kapanalig, ay ang 20% discount para sa seniors. Kadalasan, ang benepisyong ito ay nakukuha sa mga pormal na establisimyento. Pero sa mga karinderia, halimbawa, o mga tindahan na siya lamang abot kamay ng maraming mga matatanda ngayon, hindi naman nagagamit ang discount na ito. Balewala rin ang discount, hindi ba?
Hindi rin lahat ng elderly ay may pension. Napapanahon na kapanalig na tingnan ang pagbibigay ng pension para sa lahat ng mga seniors. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng kahit konting suportang pinansyal, pandagdag sa pagbili ng gamot o maintenance, o pang-libangan man lamang. Ang pagkakaroon ng kahit konting pension ay hindi lamang ukol sa pera, kapanalig. Ito rin ay kalayaan – nakakabili sila o nakakapamili ng kailangan na hindi na maghihintay pa o aasa sa iba. Nagbibigay din ito ng dignidad – ang konting budget ay nagbibigay sa kanila ng boses at kapangyarihan na makakilos at maplano ang kanilang sariling buhay.
Kapanalig, ang leksyong dala ng pandemya, lalo sa sitwasyon ng mga matatanda, ay magbukas sana ng ating mga mata at puso. Ang elderly ang tumulak sa pagsulong ng mundo, kapanalig, at humubog ng ating kolektibong kasaysayan. Huwag natin silang pabayaan.
Sumainyo ang Katotohanan.