521 total views
Mga Kapanalig, nagtapos kahapon ang 2016 Summer Olympics na ginanap sa lungsod ng Rio de Janeiro sa bansang Brazil. Mahigit 11,000 atleta mula sa iba’t ibang bansa ang nakibahagi sa ika-31 Olympic Games, hindi lamang upang magpakitang gilas sa larangan ng palakasan kundi upang ipagdiwang ang kapayapaan at pagkakaibigan ng iba’t ibang lahi.
Makasaysayan ang Rio Olympics dahil sa kauna-unahang pagkakataon, bukod sa 206 na mga bansang nagsilahok, may binuo ang International Olympic Committee o IOC na isang grupo ng 10 manlalarong refugees, mga atletang lumikas sa kanila-kanilang magulong bayan. Kabilang sa Refugee Olympic Team ang mga atletang mula sa South Sudan, Syria, Congo, at Ethiopia. Sila ngayon ay kinukupkop sa iba’t ibang bansa gaya ng Belgium, Luxembourg, Kenya, Germany, at Brazil. Dalawa sa kanila ang sumali sa judo, dalawa sa swimming, at anim sa athletics.
Ayon sa IOC, ang Refugee Olympic Team ang simbolo ng pag-asa para sa mga refugees sa buong mundo. Sa pagsali nila sa Olympics, mabibigyan daw ng pandaigdigang atensyon ang lumalalang isyu ng mga refugees sa iba’t ibang bansa. Paalala rin ito sa lahat na ang mga refugees ay kapwa-tao natin, at sila ay bahagi sa pagpapayabong ng ating lipunan.
Simula’t sapul, ganito rin ang turo ng Simbahang Katolika tungkol sa mga refugees: sila ay kabahagi ng pamilya ng sankatauhan, at hindi dapat ituring na pabigat, gaya ng sinasabi ng ilang pinuno ng mga bansang isinara ang kanilang pinto sa mga refugees. Bilang mga taong may kakayanang magmahal at magmalasakit, tayo ay may pananagutang tugunan ang kanilang mga pangangailangang ipinagkait sa kanila sa sarili nilang bayan.
Isa sa mga pinaka-popular na miyembro ng Refugee Olympic Team ay si Yusra Mardini. Isa siyang Syrian na lumangoy sa dagat kasama ang kanyang kapatid at isa pang kababayan nang halos tatlong oras upang makarating sa Greece. Tumaob kasi ang kanilang sinasakyang maliit na bangkang lulan ang isang dosenang Syrians, kaya’t kahit mapanganib ang karagatan, itinulak nila ito papalapit sa pampang. Kasama siya sa mga libu-libong kinupkop ng pamahalaang Germany, at doon ay nagsanay si Mardini nang ilang buwan upang maging manlalangoy. Hindi man nakaabot si Mardini sa finals ng 100-meter butterfly sa Rio Olympics, nanguna naman siya sa kanyang heat o grupo ng manlalaro. Tunay ngang world class ang taong ito, hindi lamang bilang isang atleta kundi bilang isang kapwa-refugee na handang tulungan ang kanyang mga kasamahan.
Bago pa magsimula ang Rio Olympics, nagpadala na ng personal na mensahe sa mga atleta ng Refugee Olympic Team ang ating Santo Papa Francisco. Pinasalamatan ng Santo Papa ang mga miyembro ng Refugee Olympic Team dahil sa kanilang ipinapakitang tapang at lakas na magsisilbing panawagan para sa pandaigdigang kapayapaan at pagkakaisa laban sa karahasan at kawalan ng pakialam at kamalayan sa kapakanan ng mga refugees na tulad nila. Inaasahan ni Papa Francisco na sa kanilang pagsali sa Rio Olympics, mauunawaan ng ng lahat na walang nagwawagi sa karahasan.
Nakalulungkot lamang na habang nakikilahok ang koponan ng mga refugees sa Rio Olympics, patuloy pa rin ang digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo, partikular na sa Syria. Sa katunayan, nitong isang linggo lang, muli na naman nating nasilayan ang mukha ng mga refugees sa katauhan ni Omran, isang limang-taong gulang na Syrian. Nailigtas siya at ang ang kanyang mga kapatid mula sa kanilang bahay matapos itong pasabugin sa gitna ng digmaan. Tulalâ ang bata, hindi alam ang karahasan at kaguluhang nasaksihan sa napakamurang edad.
Ilang tao pa kaya ang kailangang mag-alay ng kanilang buhay upang tuluyan nang matapos ang kahirapan at digmaan sa buong mundo? Mga Kapanalig, sa ating mga panalangin, alalahanin natin ang mga kapatid nating refugees.
Sumainyo ang katotohanan.