213 total views
Pinakikilos ng chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado para isabatas ang “Whistleblower Protection Act”.
Ikinabahala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo,chairman ng komisyon ang hatol na guilty kay NBN-ZTE deal whistleblower Jun Lozada sa kasong graft and corruption.
Dismayado si Bishop Pabillo dahil sa kabila ng expose ni Lozada sa multi-milyong pisong katiwalian na kinasasangkutan ng Pangulong Arroyo ay siya ang nahatulang nagkasala sa batas.
Iginiit ng Obispo na napapanahon ng bigyan ng malaking proteksiyon ang mga whistleblower upang mas marami pa ang lumantad at isapubliko ang mga katiwalian sa gobyerno.
“Walang protection ang nagbubulgar ng mga anomalies kaya dapat mabigyan ng protection kung gusto talagang kalabanin ang corruption. Dapat talagang may pananagutan kasi nakita na nga nating kinansel yung transaction, ibig sabihin talaga may mali nga dun, pero walang pananagutan, walang may kasalanan,”pahayag ng Obispo sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Bishop Pabillo ang kabiguan ng administrasyong Aquino na kasuhan ang mga tinukoy ni Lozada na sangkot sa NBN-ZTE deal.
Inihayag ng Obispo na nawalang saysay ang expose ni Lozada na pumigil sa multi-milyong pisong transaction.
Duda si Bishop Pabillo sa timing ng naging hatol kay Lozada na magdudulot ng masamang halimbawa at babala sa mga gustong isiwalat ang mga katiwalian sa pamahalaan.
Umaasa ang Obispo na maging matatag si Lozada at hindi mawala ang suporta sa kanya ng mamamayan dahil sa kanyang nagawang kabutihan.
Kaugnay nito, hinimok ni Bishop Pabillo ang hudikatura na itaas ang antas ng hustisya at huwag yumuko sa mga may kapangyarihan sa pamahalaan.
Hinatulang guilty sa kasong graft and corruption ng Sandiganbayan si Lozada matapos payagan bilang pangulo ng Philforest ang leasehold right sa 6.59 hektaryang lupa noong taong 2009.