206 total views
Ito ang panawagan ng CBCP – Episcopal Commission on Pastoral Care for Migrant and Itinerant People sa pinaigting na kampanya ng Duterte administration katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa illegal recruitment.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, kailangang kilalanin ang human trafficking at illegal recruitment bilang heinous crime na sinumang gagawa nito ay mapaparusahan ng panghabang – buhay na pagkakabilanggo at confiscation ng kanilang ari –arian na ipangtutulong sa kanilang mga nabiktima.
“Talagang ang ating kampanya kung saan ay ituro, isumbong ang mga illegal recruiters na kung saan hindi lamang isumbong, ituro kundi hulihin at panagutin. At ang atin ngang isinusulong ay isama ang human trafficking at illegal recruitment sa mga heinous crime na ang parusa ay life imprisonment, reclusion perpetua without parol. Tsaka confiscation of property na kung saan yung properties ay naitutulong sa kanilang mga naging biktima,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Layunin rin ni Bishop Santos na ipalaganap ang “awareness” ng mga tao ukol sa illegal recruiters kasabay ng pagbibigay ng pabuyang P50,000 cash reward ng DOLE sa mga concerned citizen na magsusumbong tungkol sa nagaganap na illegal recruitment na hahantong sa pagkakadakip sa mga illegal recruiter.
“Palakasin ang awareness ng mga tao at huwag silang sasama, sasali at magpapaloko sa mga illegal recruitment. Maganda na merong premyo o pabuya pero kahit walang pabuya dapat awareness na natin at ating lamang programa na hulihin, hanapin pananagutin at parusahan ng mabigat,” giit pa ni Bishop Santos sa Veritas Patrol.
Nabatid na batay sa 2013 Commission for Filipino Overseas (CFO) Compendium of Statistics, tinatayang 1.34 na milyon ang undocumented Filipino migrant workers o biktima ng illegal recruiters. Habang naitala naman noong 2012 ng Philippine Overseas Employment o POEA ng 152 kaso ng illegal recruitment na kinabibilangan na 312 biktima na nagsampa ng kaso.