313 total views
Marahil, kapanalig, pamilyar ka na sa katagang raket. Sa ating bayan, laging uso yan. Ang raket ay parang sideline – mga panandalian o mabilisang trabaho na ginagawa natin on the side para may pandagdag kita. Yung iba, ginawa nang pangmatagalang hanapbuhay ang raket. Ang kanilang kabi-kabilang raket ay nakakapagbigay na ng tuloy-tuloy na income sa iba, kahit papaano. Ang kanilang raket ay naging freelance jobs na.
Alam niyo kapanalig, ang mga ganitong uri ng trabaho ang nagsimula ng tinaguriang gig economy. Ano nga ba ang gig economy kapanalig, at bakit mahalaga na ito sa ating bayan ngayon?
Ang gig economy ay binubuo ng mga trabaho na hindi-pangmatagalan, naka-kontrata ang mga manggagawa, at hindi tradisyonal ang employer-employee relationship. Kabaligtaran ito ng nakagisnan nating tradisyunal na trabaho – yung 8 to 5, pang-matagalan, may boss na nagbabantay, at may mga pormal na benepisyo. Kadalasan, ang mga trabaho sa gig economy ay kaugnay ang teknolohiya o app-based sila.
Bentang-benta ang gig economy sa ating bayan, kapanalig. Sa katunayan, may pag-aaral na nagsasabi na pang-anim na tayo sa buong mundo na may “fastest-growing market for the gig industry.” Tumaas din ng 35 percent ang kita mula sa freelancing sa bansa.
Magandang balita ito, kapanalig. Sa ating bayan kasi, naging malaking bentahe ang gig economy lalo na ngayong panahon ng pandemya. Marami sa mga nawalan ng trabaho ang nakakuha ng pagkakakitaan mula sa mga online jobs, hindi lamang dito sa loob ng bayan, kundi pati sa ibang bansa. Dahil sa teknolohiya at iba-ibang apps, nakakuha ng trabaho mula sa mga foreign companies ang marami sa ating kababayan.
Naging useful din ang gig economy sa mga nanay na nakita ito bilang oportunidad na kumita kahit papaano na hindi na aalis pa ng bahay at iiwanan ang mga anak. Marami sa ating mga kababayang kakaibahan ang nakakuha ng trabaho bilang virtual assistants, halimbawa, o transcriptionist.
Ang gig economy, kapanalig, ay marami ngang naitulong sa ating mga kababayan. Maliban sa dagdag kita, nagkaroon din sila ng pagkakataon na magkaroon ng flexible working hours, makapagsimula ng kanilang maliit na negosyo, at makakita ng trabahong makakapagbibigay ng bagong kasanayan. Kaya lamang, sa likod ng mga biyayang ito, may mga bagay pa rin tayong kailangang bantayan, gaya ng kawalan ng benepisyo, mababang pasweldo, at burnout sa dami ng hawak ng proyekto.
Kapanalig, ang trabaho ay magandang bagay dahil ayon nga sa Gaudium et Spes, pag tayo ay nagtatrabaho, nababago natin ang mundo. Kaya nga lamang, kailangan nating siguraduhin na ang trabahong ating ginagawa ay nagbibigay ng sapat na kita, sapat na pahinga, at nagbibigay dangal sa ating pagkatao.
Sumainyo Katotohanan.