886 total views
Nakasaad sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco na humihimok sa mga mananampalataya na pangalagaan ang sangnilikha.
Dahil sa ating pag-abuso sa kapaligiran ay tao rin ang nagiging biktima ng mga pinsalang dulot ng kapabayaan.
Naniniwala din ang environmental group na ang pagkawala ng mga puno sa kagubatan dahil sa pagmimina sa Surigao del Sur na naging dahilan ng malawakang pagbaha sa lalawigan.
Ayon kay Jaybee Garganera, national Coordinator ng Alyansa Tigil Mina ang pagpuputol ng mga puno sa kagubatan ang dahilan ng iba’t ibang sakuna sa lalawigan lalu na ang pagguho ng mga lupa at ang malawakang pagbaha na nakaapekto sa mga residente.
“Dahil malaki na ‘yung nade-deforest d’yan sa protected area d’yan lalo na ‘yung CaraCan (Carsacal at Cantilan) Watershed, walang duda may relasyon yung erosion, yung landslides tsaka abnormal na pagbaha mula sa Carascal, Cantilan, Madrid, doon sa Lanuza Bay, mga rivers d’yan hanggang dito sa Tandag,” ang bahagi ng pahayag ni Garganera sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ni Garganera na ito na ang ikatlo sa magkakasunod na taon na binabaha ang Surigao del Sur sa unang bahagi ng taon.
“Pattern na ito mula nang 2018 na kapag first quarter ng taon, ‘yang Surigao del Sur, either low pressure area o abnormal na ulan ay binabaha; at taun-taon, palala nang palala yung baha,” dagdag ni Garganera.
Panawagan naman ng grupo sa mga kinauukulan na tigilan na ang pagpapahintulot sa pagtatayo ng mga minahan sa CARAGA Region dahil kung ito’y magpapatuloy, ay mauulit lamang ang iba’t ibang sakuna na maaari pang magdulot ng mas matinding panganib sa mga naninirahan.
“Sana ‘yung mga local governments ay huwag na nilang payagang madadagdagan pa yung mining at logging d’yan sa Surigao [del Sur]. On the other hand, itong DENR (Department of Environment and Natural Resources), nananawagan kami na huwag nang mag-approve ng mga mining permits at tree cutting permits sa kabuuan ng CARAGA [Region].
Sa ulat ng Caraga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), umabot sa higit 28-libong pamilya o 109 na libong indibidwal ang nagsilikas dahil sa pagbaha habang umabot naman sa 60 milyong piso ang halaga ng nasira sa 1,200 ektarya ng mga palayan sa lalawigan.