181 total views
Nag-alay ng panalangin si Caritas Internationalis President at Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa mga biktima ng magnitude 6.2 na lindol sa Italy.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang trahedya sa Italy ay nagpapaalala partikular na sa mga Pilipino ng matinding pinsala na idinudulot ng lindol lalu’t ang Pilipinas ay maituturing din na malapit sa pagkakaroon ng mga ganitong uri ng kalamidad.
Hinimok ni Cardinal Tagle ang lahat na ipagdasal din ang mga biktima ng lindol at pairalin ang pagiging bukas sa kapwa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng tulong at pakikipagkapatiran.
“Tayo po sa Pilipinas ay malimit makaranas ng sakuna, mga bagyo, lindol, kahirapan, kurapsyon at iba’t-iba pang kaguluhan. Bagamat sinasabi natin na sanay na tayo kapag tayo’y nakakakita pa din ng sakuna lalo na sa ibang bansa nayayanig pa rin ang ating puso at ito ang nararamdaman natin ngayon sa nangyari sa Italy. Dahil sa lindol naalala natin na tayo ay magkakapatid,lahat tayo ay vulnerable at kung papaano tayo dinamayan ng buong mundo nung tayo ay nasalanta ng bagyo, sana po tayong mga Pilipino ay marunong din dumamay.”
Hinimok din ni Cardinal Tagle ang lahat ng Pilipino na ipagdasal ang 250-kataong namatay at libu-libong nawalan ng mga bahay sa 6.2 magnitude na lindol.
Hiniling din ng Pangulo ng Caritas Internationalis sa panginoon ang sama-samang pagkilos ng lahat para pangalagaan ang kalikasan.
“Ipagdasal natin ang mga kapatid natin, ang mga namatay at ang mga nawalan ng bahay at ang patuloy pang naghahanap ng kanilang mahal sa buhay sa Italy. Panawagan ko po sa ating lahat na ikonekta natin ang ating isip at puso sa mga kapatid natin sa Italy at ipanalangin natin sila:
“O Diyos, batid mo po ang hinagpis ng mga tinatamaan ng lindol, kami po ay walang kalaban-laban kapag dumating ang mga ganitong sakuna, ang tangi namin pag-asa ay ikaw, kumakapit po kami sa inyo tanggapin mo po sa iyong kaharian ang mga pumanaw, ang mga sugatan at ang nabuhay ay inyo namang hilumin at ang buong mundo nawa ay maantig, sama-sama nawa kaming kumilos para tulungan ang aming mga kapwa at sama-sama din kumilos na alagaan ang kalikasan ito po ay aming hinihiling sa inyo Panginoon, sa ngalan ni Kristo, kaisa ng Espiritu Santo, Amen,”bahagi ng dasal ni Cardinal Tagle.
Sa pinakahuling ulat, umaabot sa 250-katao ang naitalang nasawi sa Italy dahil sa lindol habang mahigit sa 260 ang nasugatan.
Una ng pinangunahan ng kanyang kabanalan Pope Francis ang pagdarasal ng rosaryo sa Vatican kasama ang may mahigit labing isang libong pilgrims at mga turista para sa mga biktima ng lindol.
Kaugnay nito kumikilos na ang samahan ng Caritas Internationalis sa buong mundo para magpadala ng tulong at donasyon sa mga naapektuhang residente.