184 total views
Ang mga syudad ba natin ay senior-friendly kapanalig, mapa-urban o rural areas man?
Ito ay mahalagang tanong na dapat nating matugunan ng maayos dahil mas dumadami na ang bilang ng mga senior citizens sa ating bayan. Tinatayang umaabot na ng mahigit 7.5 million ang bilang ng senior citizens sa ating bayan. Dadami pa ito sa susunod na mga taon. Handa ba ang ating mga syudad sa pagdami ng kanilang bilang? Bagay ba ang ating mga syudad sa mga pangangailangan ng mga seniors ng bayan?
Masdan mo ang mga iyong paligid. Sa tingin mo ba kapanalig, ligtas at kaaya-aya ang iyong lugar para sa mga elderly?
Kung susuruin kapanalig, ang ating mga syudad ay hindi senior-friendly. Unang-una, hindi ito walkable. Ang mga bangketa, kung hindi maliit, nawawala dahil sa mga naglilipanang vendors o di kaya naparadahan na ng mga sasakyan. At kung makaraan man sila sa mga bangketa, pihadong marami sa kanila ang hindi makakatawid. Ang mga overpass natin ay peligro sa kanilang mga tuhod at ang mga pedestrian crosswalks naman ay hindi ginagalang ng marami. Hindi na nga sila makalakad sa labas, hindi pa sila makasakay. Ang public transport system sa bansa ay hindi din ayon sa pangangailangan ng mga matatanda. Kaya nga ang pag-gamit ng mga matatanda sa mga kalye sa ating bansa ay tila pakikipag-patintero kay kamatayan.
Kulang din ang mga lugar para sa libangan ng mga senior citizens sa ating mga syudad. Kulang ang mga malalapit at mga malilinis na parke kung saan maaring silang makipagkita sa kanilang mga amiga at amigo, o makapag-ehersisyo man lang. Kung mayroon naman silang lugar kung saan makakapaglibang, kadalasan, madumi ito at walang pampublikong banyo.
Maliban sa mga lugar o daaanan na kailangan ng mga seniors upang aktibo pa rin silang makilahok sa lipunan, kulang din ang kanilang access sa mga mura at pampublikong health centers o facilities sa bayan. Malaking bagay, kapanalig, kung ang isang senior ay malaya at madaling makakapunta sa mga health facilities malapit sa kanila. Mas magiging kampante sila makapag-pa check up at mas maalagaan nila ang kanilang kalusugan.
Kapanalig, kailangan natin isali ang kapakananan ng mga bulnerable gaya ng seniors sa pagsasa-ayos at pagpa-plano ng ating lipunan. Makaturangan ang isang lipunang sinasali ang lahat ng miyembro nito sa pagtahak sa kaunlaran. Ayon nga sa Mater et Magistra: ang katarungan ay hindi lamang nakikita sa patas na distribusyon ng kayamanan, kundi sa mga kondisyon kung saan ang lahat ay maaring produktibong makalahok sa lipunan (Justice is to be observed not merely in the distribution of wealth, but also in regard to the conditions under which men engage in productive activity).
Sumainyo ang Katotohanan.