807 total views
Nanindigan ang pamunuan ng Minor Basilica of San Sebastian na dapat mapangalagaan ang simbahan at ang mananampalatayang nanirahan sa paligid nito.
Ito ang pahayag ni Agustianian priest Father Edgar Tubio, rector at parish priest ng basilica kaugnay sa pagtatayo ng 31 palapag ng gusali na tinatayang 70-metro ang layo mula sa simbahan.
Ipinaliwanag ni Fr. Tubio na bilang nangangasiwa ng basilica tungkulin nitong pangalagaan ang simbahan at nasasakupang komunidad.
“As a rector and parish priest, I will make sure na mapangalagaan ang istruktura ng basilica; concern ko ngayon ang structural integrity ng basilica at the same time ang safety ng community sa paligid ng simbahan,” pahayag ni Fr. Tubio sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon naman kay conservation heritage practitioner Claire Vitug, executive director ng San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation, Inc. malaki ang epekto ng pagtatayo ng high rise condominium malapit sa basilica sa larangan ng architectural, structural at physical character ng basilica.
Sang-ayon din si Vitug kay Fr. Tubio na ang simbahan ay itinatag para sa komunidad ng mananampalataya na maaring maapektuhan sa konstruksyon.
“Alalahanin sana natin na ang simbahan na ito ay hindi lamang para sa debosyon kundi dahil may isang komunidad ng mga mananampalataya na dapat nating pangalagaan,” ani Vitug.
Ang basilica na tahanan ng 400 year-old Birhen Del Carmen de San Sebastian ay naitatag noong 1891 na gawa sa purong bakal at idinesenyo ng mga dayuhan.
Idineklarang National Historical Landmark noong 1973, napabilang sa World Monuments Fund’s Watchlist of Cultural Heritage at Risk noong 2000 at 2010, at idineklarang National Cultural Treasure noong 2011.
Kasalukuyang may banta ng pagkasira ang purong bakal na simbahan makaraang makitaan ng mahigit sa 300 ‘leak’ na lumikha ng butas at labis na kalawang sa mga bakal na lubhang mapanganib.
Ipinaliwanag ni Vitug na bukod sa kaligtasan ng mananampalataya ay pinangangalagaan din ng mga Agustino ang struktura ng simbahan na minsang napabilang sa listahan ng world heritage site ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization’s (UNESCO) ngunit natanggal noong 2015 dahil sa mga sirang nakita sa simbahan.
“Beyond the photobomber issue, its all about the safety and concern not just for the people using the church but of course the surrounding community as well as maapektuhan din ang posibleng nominasyon bilang isang world heritage site,” giit ni Vitug.
Noong Enero naglunsad ng kampanya ang simbahan na layong makalikom ng 400-libong lagda hanggang Agosto para pigilan ang pagtatayo ng 31-storey condominium sa lugar.
Para sa mga nais makibahagi sa Save San Sebastian campaign mangyaring mag-login lamang sa https://www.change.org/p/save-san-sebastian-basilica at makiisa sa kampanya.