375 total views
Nagpaabot ng pakikiramay si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa Jesuit community kasunod ng pagpanaw ng kilalang Jesuit priest at constitutionalist na si Rev. Fr. Joaquin Bernas.
Ayon sa Obispo, malaking kawalan si Fr. Bernas na maituturing na isang regalo hindi lamang para sa Simbahang Katolika kundi sa buong Pilipinas.
“Nakikiramay po kami sa Jesuit community at on the other hand we wish to thank them for the gift of Fr. Bernas to the Church and to the Philippines as a whole country”. pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Obispo na isa rin sa mga nagbalangkas ng 1987 constitution, personal niyang nasaksihan ang kahusayan at kagalingan ni Fr. Bernas sa larangan ng batas bilang kasapi ng Constitutional Commission.
Sinabi ni Bishop Bacani na masusing nakikinig ang lahat sa kanyang mga opinyon at mungkahi ng kanilang binabalangkas ang kasalukuyang Saligang Batas ng bansa.
“Napakagaling pong tao niyan, napakagaling at dun sa Con-Com yung para sa paggawa ng 1987 constitution ay talagang isa siya sa pinaka-briliant participants members ng Constitutional Commission na yun without doubt and I could see the other Commissioners listening o him very intently kapag siya ang nag-intervene, napakagaling po niyan.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Ibinahagi rin ng Obispo ang aktibong pagtulong ni Fr. Bernas sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa tuwing magkakaroon ng mga usapin na kinakailangan ng legal na paggabay.
Inihayag ni Bishop Bacani na malaking karangalan na makasama at makatrabaho si Fr. Bernas na hindi lamang inilaan ang kanyang buhay para sa Panginoon kundi maging sa pagkakaroon ng kaayusan sa bayan.
“Tapos napakagaling din naman niya na tumulong sa CBCP particular kapag meron kaming mga legal issues ang unang tinatakbuhan talaga ay si Fr. Joaquin Bernas talaga palaging siya ang inuunang tinatanong tungkol sa mga legalities ng mga issues na nasasangkot kaya malaking kawalan si Fr. Joaquin Bernas at malaki namang karangalan para sa mga members ng Society of Jesus dito sa Philippines na nagkaroon ng isang Fr. Joaquin Bernas sa kanilang bilang…”Ayon kay Bishop Bacani.
Iginiit ng Obispo na bukod sa kahanga-hangang galing at kaalaman sa batas ay maiiwan ding legacy ni Fr. Bernas ang kanyang pagiging isang huwarang lingkod ng Panginoon na tiniyak na nakaakma sa batas ng Panginoon ang batas na nakapaloob sa Saligang Batas.