438 total views
Dumalo ang ilang opisyal ng Philippine National Police sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral para sa Ikatlong Linggo sa Panahon ng Kuwaresma na tinaguriang “Blue Mass”.
Pinangunahan ni PNP Chief PGen. Debold Sinas ang mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na nagtungo sa Manila Cathedral bilang mga pilgrims na isang paraan rin ng pakikibahagi ng PNP para sa paggunita ng ika-500 taon ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas.
Pinamunuan naman ni Rev. Fr. Kali Pietre M. Llamado, Vice Rector ng Manila Cathedral ang banal na misa na ikinagalak ang pagdalo sa banal na liturhiya ngayong Linggo ng mga kawani ng PNP hindi lamang sa Manila Cathedral na unang katedral sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa.
"we are very happy to welcome you here for joining us in the 500 years of Christianity celebrations, this Sunday not only them [who are here in Manila Cathedral] but all the police officers all around the country are joining in the celebration, commemoration of the 500 Years of Christianity. We welcome you not as police officers today but we welcome you as pilgrims in this Church, in this Cathedral the first Cathedral in the country, the Mother Church of our country." Ang bahagi ng pagninilay ni Rev. Fr. Kali Pietre M. Llamado.
Sa pagtututok ngayong Linggo sa simbolismo ng tubig na naglilinis sa bawat isa mula sa kasalanan sa pamamagitan ng sakramento ng binyag ay nagsagawa ng pagwiwisik ng banal na tubig sa lahat sa pagsisimula ng banal na misa bilang pagpapaalala sa tubig ng binyag na mayroong kapangyarihan na linisin at baguhin ang bawat isa maging mula sa kasalanan.
Paliwanag ni Fr. Llamado, hindi lamang pagbabagong pampisikal ang ninanais ng Panginoon kundi ganap na pagbabago ng kalooban at pagbabago ng isip at puso.
Umaasa rin ang Pari na sa gitna ng patuloy na paghahanda para sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus ay mapagtanto ng bawat isa na napakahalaga ang paggawa ng mabuti sa kapwa na para na ring paggawa ng mabuti para sa Panginoon.
Nawa ayon kay Fr. Llamado sa gitna ng tukso ng gumawa ng anumang masama sa kapwa ay makita ng bawat isa ang mukha at ang presensya ng Diyos na siyang lumikha at nagbigay buhay sa sanlibutan.
“let us be reminded that the waters of baptism should change our mindset, change our heart lead to conversion of our conscience especially this season of lent, sana po mga kapatid sa Linggong ito ay mapaalala sa atin na ang binyag ay nililinis tayo, binabago tayo at ang nais ni Hesus ay hindi lamang pagbabago sa labas kundi pagbabago ng kalooban, pagbabago ng isip at puso at ang nais ni Hesus na pagbabago ngayong Linggo na ito ay makita natin ang mukha ng Diyos sa bawat isa. Kapag kayo ay natutukso na gumawa ng masama sa kapwa, tingnan ang mukha ng kapwa makikita mo mayroon siyang presensya, mayroon siyang mukha na nilikha ng Diyos siya ay mukha ng Diyos…” Pagninilay pa ni Fr. Llamado.
Una ng tiniyak ng Philippine National Police ang pakikibahagi at pakikipagtulungan sa Simbahan para sa paggunita ng 500 Years of Christianity sa Pilipinas lalo na sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya sa buong bansa.