2,700 total views
Ang likas na yamang kaloob ng Panginoon ang isa sa mga nakatulong sa mga Palaweño upang malagpasan ang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ito ang ibinahagi ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona matapos ang isang taon mula ng isinailalim ang bansa sa mahigpit ng community quarantine dahil sa paglaganap ng COVID-19 virus.
Ayon sa Obispo, bilang isa sa kilalang tourist destination sa Pilipinas ay lubos din naapektuhan ang probinsya ng Palawan matapos na magpatupad ng lockdown at suspendihin ang operasyon ng iba’t-ibang sektor sa bansa kabilang na ang industriya ng turismo na pangunahing pinagkakakitaan ng mamamayan.
“Of course apektado ang Palawan dahil isa sa mga major sources of income ng mga tao ay ang turismo at alam naman natin na talagang natamaan ng matindi ang sektor ng turismo dahil sa pandemyang ito kaya marami ding affected.” pahayag ni Bishop Mesiona sa Radio Veritas.
Ibinahagi ni Bishop Mesiona na sa kabila ng pagsuspendi sa mga operasyon ng iba’t-ibang industriya ay nanatili namang mapagkukunan ng kabuhayan ng mga Palaweño ang pangingisda at pagtatanim.
Ipinaliwanag ng Obispo na bagamat naapektuhan ang regular na kabuhayan ng mamamayan ay nagsilbi namang biyaya para sa bawat isa ang likas na yamang na kaloob ng Panginoon sa probinsya upang malagpasan ng mga Palaweño ang krisis na dulot ng pandemya.
“Subalit ang isang nakakabuti naman po dito sa amin ngayon ay kahit papaano ay mayroon pa namang sources ng kabuhayan tulad ng pangingisda, although dahil nga pandemic din ay lumiliit ang market ng ating mga mangingisda kaya hindi din ganun kalaki ang kanilang kinikita pero at least nakakasurvive pa rin. Saka meron pa din yung farming, medyo maluwag luwag pa yung lupa dito kaya pwede pang magtanim tanim, yung siguro ang blessing na meron kami sa Palawan na kahit itong gitna ng pandemya ay medyo nakakasurvive pa rin…” Dagdag pa ni Bishop Mesiona.
Matatandaang ika-12 ng Marso, 2020 nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang partial lockdown sa Metro Manila upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Pinalawig ng pangulong Duterte noong ika-15 ng Marso, 2020 sa buong bansa ang Enhanced Community Quarantine bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus.
Batay sa Department of Labor and Employment, tinatayang 5-milyong Filipino ang nawalan ng hanapbuhay noong 2020 sa kasagsagan ng lockdown na dulot ng COVID-19 pandemic.