299 total views
Hinikayat ni Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo ang lahat na magpabakuna ng COVID-19 vaccine upang makaiwas sa banta ng sakit.
Ika-15 ng Marso nang bakunahan ang Arsobispo ng unang dose ng AstraZeneca vaccine na ipinayo ng mga eksperto para sa opisyal ng Simbahan.
Ayon kay Archbishop Lazo, ligtas sa katawan ng tao ang bakuna at nararapat lamang na tanggapin upang hindi mahawaan ng COVID-19.
“I would responsibly recommend ‘yung vaccination ng anti-COVID kasi may mga positive na mararamdaman when you have that pero depende naman ‘yun sa pre-screening nila,” pahayag ni Archbishop Lazo sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng Arsobispo na bago mabakunahan ay kailangan munang dumaan sa pre-screening upang matingnan ang kalagayan ng tao kung ito ay mayroong allergies sa ibang uri ng gamot.
“Before you are vaccinated, they have that pre-screening kung mayroon kayong mga allergies at mga medicines na tine-take,” ayon sa Arsobispo.
Si Archbishop Lazo ang kauna-unahang Arsobispo na nabakunahan ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Unang nagpahayag ng suporta ang Arsobispo sa COVID-19 vaccine rollout sa lalawigan ng Iloilo na nagsimula noong Marso 8.
Tiniyak rin ni Archbishop Lazo ang kahandaan ng Arkidiyosesis ng Jaro na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Archdiocesan Commission on Health Care upang mahikayat ang mga mayroon pa ring alinlangan sa pagpapabakuna ng COVID-19 vaccine.