423 total views
Hinimok ng opisyal ng liturgy ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na tumanggap ng sakramento ng pagbabalik loob.
Ayon kay Baguio Bishop Victor Bendico, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Liturgy na mahalaga ang pangungumpisal sa paghahanda para makibahagi sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon.
“The church always gives us this yearly opportunity to renew ourselves to the sacrament of confession and ask for forgiveness; in the midst of pandemic it would be good if the faithful would really not forget this aspect of repentance, penance and reconciliation with God and with others,” pahayag ni Bishop Bendico sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng obispo na sa pakikipag-usap nito sa mga pari ng diyosesis mas marami ang nangungumpisal sa kasalukuyan na ilang taon nang hindi tumanggap ng sakramento ng kumpisal.
Ipinaliwanag ni Bishop Bendico na marahil ang mahabang panahon ng lockdown ay ginamit na pagkakataon ng maraming mananampalataya upang magnilay at balikan ang ugnayan sa Panginoon.
Paalala ng obispo na hindi lamang sa panahon ng kuwaresma ang pangungumpisal kundi laging bukas ang simbahan para sa mga nagnanais magbalik loob sa Panginoon lalo ngayong nagdiriwang ang bansa ng 500 Years of Christianity at ginawaran ng plenary indulgence ang simbahang itinalaga bilang pilgrim church.
“Confession should only not be done during this lenten season but it should continue as we celebrate the 500YOC; confession would gain more importance so that we would really gain the fruits of what we are doing this 500 years of christianity,” dagdag pa ng obispo.
Batay sa turo ng simbahan upang makatanggap ng indulhensiya ay kinakailangang mangumpisal, tumanggap ng banal na komunyon at ipanalangin ang intensyon ng Santo Papa.
Umaasa si Bishop Bendico na gawing makabuluhan ng bawat isa ang mga pagdiriwang ng simbahan upang higit na lumalim ang ugnayan sa Panginoon na katuwang ng tao sa pagharap ng bawat hamon sa buhay.