336 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang mananampalataya na suportahan at subaybayan ang programang ‘I Am Joseph’ na inilunsad ng Philippine Conference on New Evangelization.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo -chairman ng kumisyon, pangangasiwaan ang programa ng Office for the Promotion of the New Evangelization na inilunsad kasabay ng Kapistahan ni San Jose, Asawa ni Maria.
Ibinahagi ng Obispo na tampok sa programa ang mga kuwento ng pagtulong pagkalinga, pagmamalasakit at pagmamahal ng mga simpleng mamamayan na tulad ni San Jose na tahimik na gumagawa ng mabuti para sa kapwa at sa kanyang kapaligiran.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na si San Jose ang dapat na maging huwaran ng bawat isa kaugnay sa pagiging mabuti at pagkilos ng tahimik para sa kabutihan at kapakanan ng mas nakararami.
“Si San Jose ay nagpapaalala sa atin na hindi man napapansin ang ating mga gawang mabuti o adhikain, o tayo man ay kumikilos ng tahimik para sa ikabubuti ng iba at ng ating paligid, walang katumbas ang maiaambag natin sa pagpapanibago ng ating komunidad. Kaya matutunghayan ninyo [dito sa programa] ang iba’t ibang kwento ng pagtulong, pagkalinga, pagmamalasakit at pagmamahal ng iba’t ibang taong pinili na kumilos ng tahimik tulad ni San Jose.”paanyaya ni Bishop Pabillo.
Hango ang programa sa Apostolic Letter ng Kanyang Kabanalan Francisco na Patris Corde o ‘With a Father’s Heart’ kung saan binigyang diin ng Santo Papa ang malaking papel ginampanan ni San Jose sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Ito rin ay bahagi ng paggunita sa idineklara ni Pope Francis na Year of Saint Joseph na ginugunita ngayong taon na nagsimula noong ika-8 ng Disyembre, 2020 at magtatapos sa ika-8 ng Disyembre, 2021 bilang pag-alala sa ika-150-anibersaryo ng pagkakahirang kay San Jose bilang patron ng Simbahang Katolika.