345 total views
Kapanalig, may mga pag-aaral na nagsasabi na ang mga tugon at solusyon na inilalapat para sa pandemya ay hindi patas para sa mga babae. Ayon sa isang pag-aaral ng New York-based women’s rights advocacy group na Women Deliver at ang research organization na Focus 2030 na mula naman sa Paris, hindi nasasali ang mga babae sa mga COVID-19 response and recovery plans.
Ayon sa pag-aaral, 70% ng mga frontline workers ay babae, pero 20% lamang ng miyembro ng emergency committee ng World Health Organization ay babae. Sa ating bansa, makikita din natin ang ganitong tagibang na setup. Hindi nga ba’t ang IATF natin ay halos puro kalalakihan? Ang mga tinaguriang czars din ng IATF ay mga lalake rin.
May mga pag-aaral din na nagsasabi na mas apektado ng pandemya ang kababaihan. Parang bumalik tayo sa mga unang bahagi ng ating kasaysayan kung saan ang babae ay nasa bahay lamang at inaasahang sasalo ng lahat ng gawain dito. Dagdag pa rito ang sabay na pagkapit sa trabaho. Ayon nga sa United Nations, simula ng pagdating ng COVID 19, mas maraming babae kaysa lalake ang nag-work from home. Dahil dito, mas dumami rin ang oras nila para sa unpaid domestic activities. Habang dumadami ang trabahong bahay dahil lahat ng kasapi ay nasa bahay, may mga kababaihan naman na paliit ng paliit ang kita dahil nawalan sila ng oportunidad dulot ng mga restriksyong dala ng pandemya.
Dahil dito, tinatayang madaragdagan pa ng mga 47 milyong babae ang bilang ng mga tao na nasa extreme poverty o sukdulang kahirapan ngayon 2021. Paano na, mga kapanalig?
Ang paghihirap ng babae ay paghihirap ng lahat. Hawak nila ang ating kasalukuyan at kinabukasan. Ang pag-unlad ng kababaihan ay biyaya naman para sa lahat. Tingnan na lamang natin, kapanalig, ang mga bansang babae ang mga pinuno. Marami na ang nakapansin na ang mga women-led countries ang may pinaka-maayos na tugon sa pandemya. Ehemplo dito ay ang New Zealand, Taiwan, at Germany. Kumpara sa ibang bansa, mas kaunti ang nasukol ng COVID 19 sa kanila. Kahanga-hanga rin ang kanilang testing, contact tracing, at isolation measures. Maari natin silang maging huwaran.
Kapanalig, ang pandemya ay isang panlipunang isyu na maraming sanga-sanga. Walang katuturan ang pagbukod ng babae sa mga desisyon at plano na malaki ang epekto sa buhay nila. Sabi nga sa Gaudium et Spes, equal dignity as persons demands that we strive for fairer and more humane conditions. Ang labis na hindi pagkapantay-pantay sa ekonomiya at panlipunan ay isang malaking iskandalo. Labag ito sa katarungang panlipunan, sa dignidad ng tao, pati na rin sa kapayapaan.
Sumainyo ang Katotohanan.