235 total views
Isa sa mga problemang naging matingkad nitong panahon ng pandemya ay ang sikip at sukal ng maraming mga lugar sa ating mga syudad. Ayon nga sa World Economic Forum (WEF), walang syudad sa buong mundo ang nakaligtas sa nakamamatay na pagkalat ng COVID 19.
Pero hindi lamang ang urbanisasyon o heograpiya ang pangunahing salik sa pagkalat ng sakit sa mga syudad. Ang mga socio-economic factors gaya ng kahirapan at sanitasyon, ay ilan sa mga nangungunang lugar. Isang halimbawa, ayon sa WEF, ay sa Mumbai kung saan tinatayang sobra pa sa kalahati ng pitong milyong slum population nito ay nagka-COVID 19 na. Isang ring halimbawa ay sa South Africa kung saan nagkaroon na nga ng bagong COVID variant – mabilis ang hawaan sa lugar dahil mga 46% lamang ang may access sa maayos na kasilyas at mga 1/3 ang naghahalinhinan sa ibang pamilya sa pag-gamit ng banyo.
Sa ating bansa, nakita natin ang ang pinakamaraming bilang ng mga nagka COVID 19 ay yaong mga nasa syudad. Hirap na hirap tayong mapigilan ang dami sa NCR, at makikita natin na naiipon ang mga sakit kadalasan sa mga pampublikong pamilihan at mga sa pamilyang kulang sa social distancing. Kaya nga’t malaki ang epekto ng pandemya sa mga informal sector families, marami sa kanila, hindi lamang nagkasakit, nawalan pa ng kita. Sila ay parehong biktima at daanan ng transmisyon. Ang mahirap, mas lalong naghirap.
Kaya nga’t dapat ang mga syudad sa bansa ay mabilis na magtransisyon sa new normal kung saan hindi lamang ang pagsiksikan ang dapat bawasan, kailangan din dagdagan ang kalinisan, sanitasyon, at mga open o bukas at luntiang espasyo. Kailangang gawing pro-people, pro-poor ang ating mga lungsod.
Isang halimbawa lamang – ang ating mga palengke ngayon ay kulob at kulang ang mga banyo. Pagdating ng weekend at mga araw na may okasyon – puno at siksikan na ang mga ito kaya napakalaki ng pagkakataon upang magkahawaan sa sakit. Samatalang ang mga malls sa bayan ay naglalakihan, ngunit ngayon ay halos wala ng tao. Halimbawa rin ay ang ating transport system – siksikan tayo sa mga sakayan, siksikan din tayo hanggang sa loob ng sasakyan. Kahit pa lagyan pa natin ng plastic barriers, kulang pa rin ito, lalo na pag naging mas nakakahawa na ang mutation ng virus. Kailangan ng mabago ang lahat na ito bago pa man matapos ang pandemya. Kung hindi man tayo magapi ng sakit na ito, may darating pang mga bagong sakit na maaring gumupo sa ating lipunan.
Kapanalig, ang pagbabago sa syudad ay isang pagkilos tungo sa panlipunang katarungan. Tagibang at pabor sa mayaman ang kalakaran dito, at ang maralita ang unang talunan. Mali ito at hindi na dapat magpatuloy pa. Pukawin sana tayo ng pahayag mula sa Laudato Si: greater attention must be given to “the needs of the poor, the weak and the vulnerable, in a debate often dominated by more powerful interests.”
Sumainyo ang Katotohanan.