496 total views
Tiniyak ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang patuloy na paglaganap ng kristiyanismo sa tulong ng Banal na Mag-anak.
Ito ang mensahe ng obispo sa pormal na paghirang, pagpapasinaya at pagtatalaga sa Santuario Diocesano dela Sagrada Familia sa Tala Orani Bataan.
Ayon kay Bishop Santos malaking biyayang kaloob ng Panginoon ang dambana na makatutulong upang higit na mapalalim ng mananampalataya sa lugar ang ugnayan sa Diyos lalo ngayong nahaharap sa matinding krisis ang mundo.
“Ito ay bahagi ng ating pagpapalaganap ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagmamahal sa Banal na Mag-anak [Hesus, Maria at Jose]; palakasin natin ang kabanalan, ang katatagan at ang katapatan sa mag-anak,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Ang halos dalawang ektaryang dambana ay matatagpuan sa Mt. Naib kung saan makikita ang likas na ganda ng kalikasan na higit pinangangalagaan ng diyosesis.
Ito ay donasyon ng pamilya ni dating Department of National Defense Secretary Norberto Gonzales sa Diyosesis ng Balanga bilang pakikiisa sa mga programa ng simbahan na palaganapin ang pananampalataya at mga turo ng Panginoon.
Inihayag ni Gonzales na ang pagtatalaga ng dambana ay tanda rin ng pagsisimula ng panibagong limang daang taon ng kristiyanismo.
Nagpasalamat naman si Bishop Santos sa pamilya Gonzales sa pagkakaloob ng lugar at pagtatayo ng Santuario na handog din ng diyosesis sa Inang simbahan sa paggunita ng ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa bansa.
Hiling ni Bishop Santos sa mga magtutungo sa dambana na panatilihin ang kalinisan at igalang ang kalikasan batay sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ensiklikal na Laudato Si.
“Damhin natin ang buhay na buhay na presensya ng Diyos, higit nating palalimin ang ugnayan sa Diyos na nagliligtas sa sangkatauhan; ingatan at igalang natin ang kalikasan at bigyang katotohanan ang Laudato Si ni Pope Francis dito sa Santuario,” ani Bishop Santos.
Ang Santuario Diocesano dela Sagrada Familia ay isa sa 15 simbahan sa Bataan na itinalagang pilgrim churches ngayong ipinagdiriwang ang 500YOC sa bansa kung saan makatatanggap ng plenary indulgence ang mananampalataya na dadalaw sa lugar kung ito ay nakapagkumpisal, tumanggap ng komunyon at nag-alay ng panalangin para sa intensyon ng Santo Papa.
Bukod sa pamilya Gonzales dumalo rin sa pagdiriwang ang mga pari ng diyosesis, mga opisyal ng Sangguniang Panlalawigan ng Bataan sa pangunguna ni Governor Albert Garcia, Representative Geraldine Roman at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.