414 total views
Nanindigan si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na hindi maituturing na mass religious gatherings ang sampung porysentong kapasidad sa mga Simbahan.
Ito ang tugon ng obispo sa pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na mapipilitang gumamit ng police powers ang pamahalaan kung ipagpatuloy ng simbahan ang mga gawain sa Mahal na araw.
Iginiit ni Bishop Pabillo na maliit at kakaunti ang sampung porsyento kumpara sa malalaking Simbahan kung saan matiyak ang physical distancing ng mga magsisimba.
“Ang 10 percent ay hindi mass religious gatherings; hindi ba’t mas maituturing na mass gatherings ang nasa mall? So tuloy tayo sa 10 percent,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Babala pa ni Roque na maaring ipapasara ng estado ang mga Simbahan kung lalabag ito sa mga panuntunan na ipinatupad ng inter agency tasks force.
Una nang sinabi ni Bishop Pabillo na mahigpit pa ring sundin sa mga Simbahan ang mga safety health protocol upang maiwasan ang pagkakahawa sa coronavirus disease.