240 total views
Mga Kapanalig, hindi natin pangkaraniwang naiisip na may kakaibang mga panganib na kinakaharap ang mga kababaihang naakusahan o kaya ay napatutunayang lumabag sa batas. Oo nga’t alam nating mayroon tayong mga pasilidad kung saan ipinipiit ang mga babaeng naaresto, naghihintay ng sentensya, o nasentensiyahan na. Ngunit alam ba nating ang sistemang pangkatarungan o justice system ay isa sa mga institusyon kung saan malalim ang hindi pagkakapantay ng mga babae at lalaki?
Bagamat hindi marami, tumataas ang bilang ng mga tinaguriang women in conflict with the law o mga babaeng may suliranin sa batas sa buong mundo, at malamang ay ganoon din sa ating bansa. Ayon sa UN Special Rapporteur on violence against women, ang karaniwang mga sanhi ng pagkakakulong o paglabag sa batas ng mga babae ay ang naranasan nilang pang-aabuso o karahasan, ang pananakot o pagpilit sa kanilang labagin ang batas, kahirapan, at mga krimeng may kinalaman sa moralidad. Dito sa ating bansa, 77% ng mga nakapiit sa Correctional Institution for Women ay hindi nakapag-aral nang lampas sa hayskul. Anim sa sampung nakakulong doon (o 64%) ay dahil sa krimeng may kinalaman sa ipinagbabawal na droga. Halos 20% ay nakapiit dahil sa krimeng may kinalaman sa pera o ari-arian.
Bakit sinasabing higit na mapanganib para sa mga babae kaysa mga lalaki ang lumabag sa batas? Bakit itinuturing na mas marahas sa mga babae ang sistemang pangkatarungan?
Ayon sa mga pag-aaral, lalong lantad ang mga babae sa posibilidad na maging biktima ng pang-aabusong sekswal kapag sila ay inaaresto, iniimbestigahan, o ikinukulong. Mas mabigat ang epekto ng pagkakakulong sa mga inang may sanggol o may napakabatang mga anak. Sa ganitong kalagayan, ang pagkakakulong ng ina ay nagiging sentensya rin sa kanyang mga anak na mawawalan ng tagapag-aruga at pamilyang nawalan ng haligi.
May mga bansang mas sensitibo na sa kalagayan ng mga women in conflict with the law. Sa mga bansang ito, binabawasan o pinagpapaliban ang sentensya ng isang babaeng buntis o may mga anak na edad 14 pababa. May mga bansa ring naglalagay ng mga pasilidad sa mga piitan ng mga kababaihan kung saan maaaring manatili ang mga sanggol at mga batang anak ng nakadeteneng ina at maaari pang makapag-aral at tumanggap ng mga bakuna at atensyong medikal. Ilan lamang ito sa mga paraang makapagpapabawas sa negatibong epekto sa mga anak ng pagkakapiit ng kanilang ina, bagay na hindi naibigay ng sistemang pangkatarungan ng ating bansa kay Baby River Nasino. Natatandaan ninyo marahil ang naging karanasan ni Reina Nasino na hindi pinayagang makapiling ang kanyang maysakit na anak hanggang sa mamatay ito.
Sa pagpapataw ng katarungan sa mga taong nagkasala, ang ating Panginoong Hesus ay laging kumikiling sa awa at sa pagpapanumbalik ng dignidad ng nagkasala upang maibalik din ang nagkasala sa kanyang komunidad. Tinatawag natin itong restorative justice kung saan ang pangunahing layunin ay hindi ang pagpaparusa kundi ang pagpapanumbalik ng ugnayan ng nagkasala sa kanyang kapwa. Ganito ang naging tugon ni Hesus sa babaeng nahuling nangangalunya at nais na batuhin at patayin ng mga Hudyo at mga Pariseo. Wika niya sa babae, “Saan sila nangaroroon? Wala bagang taong humatol sa iyo? … Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala.”
Mga Kapanalig, sa pagsasabuhay ng katarungan bilang pagkakasundo ng tao sa kanyang kapwa, ang ating Simbahan ay itinuturo na may dalawang layunin sa pagpapataw ng katarungan. Sa isang banda ay ang pagpapanumbalik ng nagkasala sa lipunan; at sa kabila ay ang pagtataguyod ng katarungang nagbabalik ng pagkakasundo sa mga ugnayang nasira ng paglabag sa batas ng tao.