343 total views
Maglulunsad ng webinar ang Buskowitz Energy sa pakikipagtulungan ng Living Laudato Si-Philippines hinggil sa paggunita sa Earth Hour ngayong taon.
Ito ay ang Make the Switch Forum na may temang Make a Change for Climate Change na gaganapin sa ika-27 ng Marso, 2021 mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa pamamagitan ng zoom.
Tatalakayin dito ang mga pinagdaanang pagsubok at tagumpay upang maipagtanggol ang isinusulong na renewable energy sa Pilipinas.
Layunin din ng webinar na pagbuklurin ang iba’t- ibang eksperto sa buong bansa upang magkaroon ng karagdagang kaalaman at mga paraan hinggil sa paglutas ng matagal nang suliranin ng bansa sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalikasan.
Kabilang sa mga magiging tagapagsalita sina Rodne Galicha, Executive Director ng Living Laudato Si-Philippines na tatalakay sa paksang “Benefits of Renewable Energy” at Gaspar Escobar, Jr., Chief ng National Renewable Energy Board – Technical Services Management Division ng Department of Energy na tatalakay sa “DOE Roadmap for Renewable Energy in the Philippines.
Magbabahagi rin sa webinar sina James Buskowitz (Buskovitz), ang CEO ng Buskowitz Energy na tatalakayin ang paksang “Making Solar Energy Accessible and Energy Management Systems the New Norm” at Dann Diez, ang Executive Director ng SEED4COM para naman sa paksang “Harnessing Renewable Energy Sources for Off-grid Communities.
Magsisilbi namang moderator ng webinar si Miss Philippines Air 2020 Patrixia Santos.
Sa mga nais makibahagi sa nasabing talakayan, magpunta lamang sa facebook page ng Living Laudato Si – Philippines para sa karagdagang impormasyon.