575 total views
Nagpahayag ng pagkabahala ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa kaugnay sa presensya ng mga Chinese vessels sa Julian Felipe Reef na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, nakababahala ang pananatili ng mahigit sa 200 Chinese militia vessels lalo na para sa kapakanan ng mga Filipinong mangingisda na kadalasang tinatakot at sinasaktan sa mismong karagatang sakop ng bansa.
Umaasa naman ang Obispo na tuluyan ng masolusyunan sa mapayapang pamamaraan ang suliranin ng bansa mula sa patuloy na panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea na malinaw na isang paglabag sa soberenya ng bansa.
“My reaction is medyo nakakabahala [ang presensya ng mga Chinese vessels lalo na para sa mga Filipinong mangingisda] And my message is I hope it will be resolved peacefully [ng walang nagaganap na kaguluhan].” Ang bahagi ng pahayag nii Bishop Mesiona sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA) nasa 220 Chinese militia vessels ang namataan sa Julian Felipe Reef sa Kalayaan Islandgroup na pag-mamay-ari ng Pilipinas at nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Ang pinag-aagawang teritoryo ay saklaw ng 200-nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas batay na rin sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na dinaraan ng tinatayang umaabot sa higit sa 5-trilyong dolyar ang halaga ng kalakal mula sa iba’t ibang bansa kada taon.
Nauna na ring binanggit ni Pope Francis sa harapan ng mahigit 150 lider sa buong mundo ng United Nations ang pagkilala sa karapatan sa pagmamay – ari ng teritoryo lalo na ng mga mahihirap na bansa.