199 total views
Kapanalig, naipakita sa atin ng pandaigdigang health crisis ngayon na ang pinaka-resilient na bansa ay ang mga yaong mabilis na naka-sabay sa pagbabago ng ekonomiya.
Ang pandemic ay isang extreme event na nagdulot sa atin ng malawakang pagtigil ng transportayon at merkado. Bawas ang atingi mobility kapanalig, kaya’t ang teknolohiya ang ating naging saklay ngayong pandemya. Habang tumatagal, ating napagtatanto na ang teknolohiya ay mahalaga ng bahagi ng ating buhay, at magiging pangunahing instrument sa ating pagbangon mula sa mga extreme events gaya ng pandemya.
Kaya nga’t isang malaking blessing o biyaya na marami sa ating mga Filipino ang maalam sa Internet. Dahil dito , ang transisyon sa e-commerce ay naging mas madali. Sa katunayan, mas dumami ang ang mga online sellers at buyers – dati rati kasi para magbenta, kelangan pa problemahin ang pwesto at delivery. Dahil sa online platforms, mas madali ng magbenta kahit pa sa malalayong lugar. Ayon nga sa isang pag-aaral ng World Bank, ang share o bahagi ng digital economy sa ating gross domestic product ay lumago mula 7 percent noong 2012 tungo sa mahigit pa sa 10% noong 2018.
Kaya lamang, kahit mabilis ang paglago ng ating digital economy, ayon sa World Bank Digital Adoption Index (DAI), medyo nahuhuli pa rin tayo kumpara sa ilan sa mga ating karatig bansa.
Ayon sa pag-aaral ng World Bank, ang ating limitadong digital infrastructure ay nagdudulot ng digital divide o ang hindi pantay na pag-access sa mga serbisyo mula sa internet. Umaabot ng 40% ng ating populasyon noong 2018 ang walang access sa internet. Dama din ang mga pagkukulang hindi lamang sa access, kundi sa affordability o presyo pati na rin ang kalidad. Sa ngayon, bumilis man ang internet speed, hindi ito pantay sa lahat ng rehiyo, at hindi lahat ng lugar ay may internet coverage.
Pagdating sa presyo, hindi lamang presyo ng internet connection ang mahal. Mahal din kapanalig, ang mga laptop, computer, at smart phone na magagamit sana ng mas maraming Filipino upang maka-access sa internet.
Kapanalig, ang pagbangon natin mula sa pandemya ay mapapabilis kung ang ating mga digital infrastructure ay mas pro-poor – magagamit ng lahat sa mas murang halaga. Lalo ngayon panahon ng pandemya, ang internet ay hindi lamang source ng ating impormasyon, ito na rin ang ating instrumento upang maghanapbuhay. Kung piling tao lamang ang makaka-access nito, ang ating pagbangon ay hindi inklusibo. Iilan lamang ang makikinabang.
Ayon sa Evangelii Gaudium, may mga naniniwala pa rin na bababa pa rin sa laylayan ng lipunan ang paglago ng ekonomiya na mula sa malayang merkado. Kaya lamang, hindi ito makita sa ating realidad dahil hanggang ngayon, naghihintay pa rin ang mga maraming naibubukod sa ating lipunan dahil sa kahirapan. Kapanalig, hanggang kailan kaya maghihintay ang maralita sa biyaya ng bayan, gaya ng teknolohiya?
Sumainyo ang Katotohanan.