414 total views
Mga Kapanalig, kung mayroong nilalaman ang Bibliya na pamilyar tayong mga Kristiyano, ito marahil ang sampung utos ng Diyos. At ang pinakamadaling maalala sa mga ito ay ang ikalimang utos: Thou shall not kill. Huwag kang papatay. Ito ang utos ng Diyos na pinakanilabag ng ating pamahalaan sa nakalipas na limang taon bunsod na rin ng kampanya nito laban sa iligal na droga.
Sa inilabas kamakailan na report ng Commission on Human Rights (o CHR) ukol sa kampanya laban sa droga ng administrasyong Duterte, natuklasan mula sa 3,300 na extra-judicial kilings (EJKs) sa Metro Manila at mga karatig na probinsya nitong nakalipas na mga taon na gumamit ang Philippine National Police (o PNP) ng “excess, unreasonable force”—labis at hindi makatwirang dahas. Mayroon din silang “intent to kill” o layuning patayin ang mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga. Sa kabuuang bilang ng mga namatay sa “war on drugs”, halos dalawang libo ang namatay sa kamay ng mga ulis habang mahigit 1,000 naman ang biktima ng mga hindi kilalang mga suspek. Ginamit na batayan ng pagsisiyasat ng CHR ang mga affidavits o sinumpaang salaysay ng mga kamag-anak ng mga namatay, mga ulat ng pulisya, at autopsy reports.
Ayon kay CHR Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana, pinakamarami sa mga pagpatay ay nangyari sa mga buy-bust operations ng mga pulis. Ang sumunod na mataas na bilang ng pagpatay ay nanggaling sa mga naisyuhan ng search o arrest warrants. Halos lahat ng kaso ay nagpakita ng ebidensya ng pang-aabuso at balak na pumatay. Kapansin-pansin, halimbawa, ang bilang at lokasyon ng mga sugat ng bala, at ang pamamaraan ng pagpatay sa mga biktima. Ani Commissioner Gana, marami sa kanila ay tinamaan sa katawan, tiyan, at ulo. Kung titingnan nang mabuti ang lugar ng mga sugat at kung paano nasugatan ang biktima, hindi maikakaila ang paggamit ng dahas. Ipinaalala ng commissioner ang kaso ng labimpitong taong gulang na si Kian delos Santos na binaril nang hindi bababa sa dalawang beses sa ulo at likod habang siya ay nakaluhod. Bukod dito, salungat sa salaysay ng mga pulis, maraming saksi ang nagsabing hindi nanlaban si Kian. Sa katunayan, maraming pagkakataong lumulusob na lang ang mga pulis sa bahay ng kanilang target habang natutulog sila.
Hindi maikakailang may basbas ng ating mga lider ang mga nagpapatuloy na pagpatay sa mga kababayan nating pinaghihinalaang sangkot sa droga. Sa unang taon pa lamang ng administrasyong Duterte, nagkaroon na ng tinawas na “one-time, big-time” na operasyon ang pulis sa Bulacan kung saan mahigit 30 ang halos sabay-sabay na pinatay. Nang malaman ito ng ating presidente, sinabi niyang mainam ang nangyari. Kung ganoon karami raw ang mapapatay sa mga operasyon ng pulis araw-araw, masusugpo raw natin ang drogang itinuturing na salot sa ating lipunan. Ngunit gaya ng nakita natin, kahit ilang libo pa ang mga napapatay, patuloy pa ring namamayagpag ang iligal na droga sa ating bansa.
Nakalulungkot, nakapanlulumo, at nakatatakot marinig ang pag-endorso ng ating mga lider sa mga pagpatay. Sa pananaw nila at ng kanilang mga tagasuporta, ito ang kamay na bakal na kailangan natin. Ngunit ang mabuting pamumuno ay nagmumula sa pagkalinga at pagmamalasakit, anuman ang kanilang kasalanan. Sila ay naglilingkod para itaguyod ang dignidad at karapatan ng mga tao, hindi ang kanilang interes o ang kagustuhang maghasik ng takot. Wika nga sa Mateo 20:26, “Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, siya ay dapat maging alipin ninyo.”
Mga Kapanalig, sabi nga ni Pope St John Paul II sa Centesimus Annus, ang dignidad ng tao ay nagmumula sa kanilang pagkatao. Ito sana ang kilalanin ng ating mga lider ngayon.