392 total views
Hinihimok ng Caritas Philippines ang lahat ng mananampalataya na bigyan ng pahinga ang inang kalikasan ngayong Semana Santa.
Iginiit ng Caritas Philippines at EcoWaste Coalition na kailangang kumilos upang mapigilan ang paglala ng polusyon sa kapaligiran lalo na sa pagbabawas sa paggamit ng single-use plastic.
Ayon kay Caritas Philippines Executive Secretary Fr. Antonio Labiao, Jr., bilang mga katiwala ng likas na yamang likha ng Diyos ay inaanyayahan ang bawat isa ngayong Semana Santa na magkaroon ng malalim na pagninilay sa mga nagaganap sa kapaligiran at klima.
Gayundin ang panawagang sama-samang ipahayag at kumilos upang maipagtanggol ang inang kalikasan mula sa lubusang pagkasira dahil sa walang tigil na gawain ng tao na nakasisira ng likas na yaman.
“As stewards of God’s Creation, let us celebrate the Paschal Mystery of the Holy Week with a deeper reflection on what is happening to our environment and the climate and the need for us to speak and act as one to defend our Mother Earth from being further degraded and harmed,” pahayag ni Fr. Labiao.
Dagdag pa ng opisyal ng simbahan na pagnilayan din ang naidudulot ng mapanirang “throw away culture” na ginagawang dumping sites ng mga mapanganib na kemikal at basura ang mga lupa at karagatan.
Hinihikayat din ni Fr. Labiao ang lahat na pakinggan ang hinaing ng inang kalikasan na iligtas mula sa nakapipinsalang aktibidad ng mga tao.
“Let us listen to the cries of Mother Earth who is choking from tons upon tons of single-use plastic waste, and act with compassion and urgency to save her from this sorry plight,” ayon sa pari.
Magugunitang sa Laudato Si ni Pope Francis, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kapaligiran, dahil sa kasalukuyan ay unti-unti nang nagmimistulang malawak na tambakan ng basura ang daigdig.
Ang Caritas Philippines ay ang humanitarian, development at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.