445 total views
Kasabay ng paggunita ng ating mga kapanalig sa Semana Santa, ay ang panawagan na isabuhay ang pagtutulungan lalo sa gitna ng krisis na pinagdadaanan.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Broderick Pabillo, Administrator ng Archdiocese of Manila, nanawagan ito sa mga mananamplataya na magtulungan at magmalasakit sa kapwa sa kabila ng ating pinagdadaanang pandemya at muling pagsasailalim sa mahigpit na quarantine measures ng ilang mga siyudad at lalawigan.
Ayon kay Bishop Pabillo marami ang nawalan ng trabaho at nangangailangan ng tulong kaya naman kumikilos na ang Simbahan para tulungan ang mga mahihirap.
Inihayag ng Obispo na inabisuhan na niya ang mga kaparian sa Archdiocese of Manila na magsagawa ng mga “act of charity” sa Huwebes Santo o Maundy Thursday. “dito po sa Archdiocese of Manila gumawa kami ng sulat na lahat ng nakolekta ng mga Parokya ay pwede nila gamitin para ibigay ng tulong sa mga mahihirap lalong-lalo na po sa Holy Thursday ang tawag po sa Holy Thursday ay Maundy Thursday ibig sabihin that’s day when the Lord gave his commandments to love and to love one another, kaya yan po ay araw ng charity kaya sinabi ko sa mga Parokya natin sa Archdiocese of Manila na sa araw na ito ay gamitin ang Alay Kapwa collection natin sa mga nakaraan at dagdagan pa kung meron pa gusto mag-donate upang mamigay pa tayo ng ayuda sa mga mahihirap sa loob ng ating mga Parokya.”pahayag ni Bishop Pabillo
Naniniwala si Bishop Pabillo na dahil din sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at karatig lalawigan ay pinaka naapektuhan ang mga umaasa sa arawang kita.
“Hindi na sila puwede lumabas ng mga bahay kaya ngayon dapat natin silang tulungan kaya dito sa Sto Niño de Tondo mamimigay na kami ng mga ayuda na identify na yun mga mahihirap na pamilya saka dahan-dahan sa Thursday may mabibigay tayo sa kanila” paliwanag ni Bishop Pabillo.
Umapela din ang Obispo sa mananampalataya na huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na kumapit sa Poong Maykapal.
“Hindi naman nagpapabaya ang Diyos kaya dito nga mas lalo tayo kumapit sa kanya na hindi nya tayo pababayaan, nakiktia natin ngayon parang ang dami natin problema pero balikan natin ang ating kasaysayan may mga panahon na parang ganito din ang nangyayari at ang mga tao nag-tiyaga at na overcome naman natin, ma-overcome din natin ito hindi tayo pababayaan, kaya nga sa mga ganito ang Diyos ay nakakatulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan natin… Let us looked at ourselves as instruments of God’s love for the people.”pahayag ng Obispo
Magugunitang nitong lunes ay isinagawa ang Alay Kapwa Telethon ng Caritas Manila sa Radyo Veritas kung saan sa loob ng 11 oras ay nakalikom ito ng mahigit sa 4 na milyong piso na siyang gagamitin para sa patuloy na pagtulong ng mga mahihirap at mga nangangailangan.