386 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa Diocese of Maasin at sa buong Simbahang Katolika sa paggunita ng unang banal na misa na idinaos sa Limasawa Island sa Southern Leyte 500-taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Rev. Fr. Angelito Cortez – Co-Executive Secretary ng AMRSP, ginugunita ngayong araw ang isa sa pinakamalaki at mahalagang biyaya na natangap ng mga Filipino sa kasaysayan ng ating bansa at pananampalataya.
Paliwanag ng Pari, kaakibat ng pagtanggap kay Kristo at sa pananampalatayang Kristiyano ay ang pagtanggap sa misyon na kaakibat ng pagiging isang binyagan na maging katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.
“Sa araw na ito ginugunita natin ang isa sa pinakamalaking biyaya na ating natangap sa kasaysayan ng ating bansa at pananampalataya. Tinagap natin si Kristo! Kasama pagtangap natin sa kanya ay ang pagtangap natin ng mga misyonerong nagtalaga ng kanila buhay upang tayo ay turuan at ipalaganap ang Salita ng Diyos…” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Umaasa naman si Fr. Cortez na makalipas ang 500-taon ay higit pang yumabong at lumalim ang pananampalatayang Kristiyano sa bansa.
Ayon sa Pari, nawa ang paggunita sa naganap na unang misa sa kasaysayan ay higit pang magdulot ng katatagan sa pananampalataya ng mga Filipinong Kristiyano na patuloy na humaharap sa iba’t ibang krisis at hamon sa buhay sa kasalukuyan.
“Naway ang unang misang ito ay patuloy na magbigay sa atin ng inspirasyon at katatagan bilang mga mananampalataya at sambayang Kristiyano sa gitna ng napakaraming crisis na ating hinaharap…” dagdag pa ni Fr. Cortez.
Tiniyak rin ng Pari na patuloy na magiging matapat at matiyagang katuwang ng Simbahan ang mga relihiyoso’t relihiyosa at iba pang nagtalaga ng kanilang sarili sa Panginoon upang ganap na maipalaganap ang Mabuting Salita ng Diyos sa sangkatauhan.
Pagbabahagi pa ni Fr. Cortez, kasabay ng paggunita sa ika-limangdaang taon ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas ay ginugunita rin ng AMRSP ang ika-limampung taon bilang samahan na nagsusumikap na maibahagi ang biyaya ng pananampalataya.
“Noon pa man kasama na kaming mga Concecrated men and women sa pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos dito sa lupa, noon pa ay nagsimula na ang aming misyon. Kasabay ng limang daang taong ito ay ang aming 50 taon bilang isang samahan na nagsusumikap ibahagi ang biyaya ng ating pinagmulan bilang mananampalataya…” Ayon kay Fr. Cortez.
Tema ng paggunita sa ika-50 taon bilang samahan ng AMRSP ang “Singkwenta sa Limang Siglo: 50 Years of AMRSP on the 500th Year of Christianity in the Philippines, Celebrating the Gift of Consecrated Life in Mission at the Service of God and of Humanity.”