374 total views
Tiniyak ng kasalukuyang Social Action Director ng Archdiocese of Capiz ang malaking puso at malasakit ni Archdiocese of Manila Archbishop-elect Jose Cardinal Advincula para sa mga mahihirap at nangangailangan .
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr. Mark Granflor, ibinahagi nito kung gaano kalawak ang kagustuhan ni Cardinal Advincula na palaging makatulong sa mga nangangailangan.
Ayon kay Fr. Granflor simple lamang ang pamumuhay at gawi ni Archbishop Advincula kung saan ang mga programa ng Capiz Archdiocesan Social Action Center para sa mahihirap ay bahagi ng kanyang pagninilay at adbokasiya. “Lahat ng programs namin sa Social Action Center dito sa CASAC actually this were the fruits, the reflection of the heart of Archbishop [Advincula] mga plano nya ito at tayo ay kanyang katuwang sa mga plano niya sa Archdiocese especially for the poor so wala tayong problema tuloy ang pagtulong natin sa ating kapwa at si Cardinal po maaasahan natin he is a very simple person… I can attest and I can vouch for his heart for the poor” kwento ni Fr. Granflor sa Radio Veritas
Sinabi din ni Fr. Granflor na bagamat nakaramdam din siya ng kalungkutan sa paglipat ng kanilang Arsobispo ay naniniwala siya na bahagi ito ng kanilang misyon at dalangin niya ang patuloy na biyaya sa pamumuno ni Cardinal Advincula sa Arkidiyosesis ng Maynila.
Kaugnay nito, hinikayat ni Fr. Granflor ang mga mananampalataya na patuloy na magbahagi ng kanilang mga biyaya lalo na sa mga higit na ngangailangan. Ginunita ng Pari kung paano ang Caritas Manila ay mabilis na nakatugon sa kanilang mga pangangailangan lalo na sa panahon ng kalamidad.
“Ito yung maganda na dapat natin pagnilayan kasi as one family we always support one another since 2013 after ng Yolanda ang Caritas Manila po ay talagang nandiyan at tumutulong sa amin sa archdiocese of Capiz… Caritas Manila is always the first responder kung may emergency po tayo dito sa Archdiocese”
Magugunitang ang Archdiocese of Capiz ang isa sa mga labis na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Yolanda noong taong 2013 kung saan sa kabuuan ay 9 na Diyosesis ang tinulungan ng Caritas Manila sa rehabilitation at church reconstruction projects.