370 total views
Hinihikayat ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang manamayan na ngayong Semana Santa ay matuto rin tayong magsakripisyo para sa kalikasan.
Ayon kay Bishop Pabillo, na siya ring Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity na nawa’y tularan ng mga mananampalataya ang pagsasakripisyo ng Panginoong Hesukristo upang matubos ang kasalanan ng sanlibutan sa pamamagitan naman ng pagsasakripisyo upang mapangalagaan ang ating inang kalikasan.
Sinabi ng Obispo na maaari itong idaan sa pag-aalay ng panalangin upang magkaroon ang bawat isa lalu’t higit ang mga namumuno na mabuksan ang kanilang mga isipan upang makaisip ng iba’t ibang paraan para mapangalagaan ang ating nag-iisang tahanan.
“Ialay po natin ang ating mga sakripisyo para sa ating kalikasan. Ito’y para ‘yung mga tao, lalung-lalo na ang mga leaders natin ay magkaroon ng malalim na kamalayan sa kanilang pangangalaga sa kalikasan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi rin ng Obispo na isa pang maaaring maging paraan ng pagsasakripisyo ngayong Mahal na Araw ay ang panunuod ng mga dokumentaryo hinggil sa pangangalaga sa kalikasan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na mas kapupulutan pa ito ng mga aral sa halip na manuod ng mga hindi makabuluhang panuorin, lalo’t nasa kanilang mga tahanan lamang ang mga tao dahil sa ipinapatupad na Enhance Community Quarantine.
“Maghanap po tayo ng mga panunoorin natin about the care for the environment. Marami naman po tayong makikita diyan, para mas ma-inspire din po tayo tungkol po sa ating pangangalaga sa kalikasan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Muling ipinatupad ng pamahalaan ang ECQ sa buong NCR plus bubble na binubuo ng mga lungsod sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan dahil sa muling pagtaas ng kaso ng coronavirus disease.